NAGDESISYON na si Senador Antonio ”Sonny” F. Trillanes IV na ilipat ang kanyang P200 milyong alokasyon upang ilaan sa scholarship programs sa iba’t- ibang pampublikong kolehiyo at unibersidad, tulong medikal sa mga pampublikong ospital at konstruksyon ng mga kwartel/barracks para sa mga sundalo at pulis.
Ayon kay Trillanes, ang kanyang P200 milyong PDAF ay ipamamahagi sa mga sumusunod na ahensya: Department of Health (pagpapa-ospital at tulong medikal) –P102,450,000; Commission on Higher Education (scholarship sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad) – P36,200,000; Technical Education and Skills Development Authority – (Training for Work Scholarship Program) – P4,000,000; Department of National Defense (konstruksyon at rehabilitasyon ng mga kwartel/barracks sa iba’t ibang service commands ng AFP) –P49,940,000;
at Philippine National Police (konstruksyon at rehabilitasyon ng mga kwartel/barracks) – P7,400,000.
Dagdag pa ni Trillanes, “Tulad ng ginawa ng iba na tuluyan nang tanggalin ang P200 milyon mula sa badyet ngunit naisip ko na wala itong maidudulot bukod sa ‘pagpapa-pogi’. Higit pa rito, nagpapakita ito ng kawalan ng malasakit at paki-alam sa mga pangangailangan ng mahihirap at marginal na sektor.”
“Maaalalang ang galit ng publiko ay nakatuon sa mga nagnakaw ng pondo, subalit lagi naman akong bukas sa publiko kung saan ko inilalaan ang aking mga nakaraang PDAF,” aniya pa.