WALANG KAMALAY-MALAY SI MARIO NA ANG 2 SALARIN SA KASONG RAPE-SLAY AY DUMANAS NG KALUNOS-LUNOS NA AKSIDENTE
Sa kahabaan ng kalyeng papasok ng South Luzon Expressway, dalawang malalaki at mamahaling motorsiklo ang birit sa pagtakbo. Sa tulin ng takbo, ang headlight ng mga sasakyan ay parang bulalakaw na gumuguhit sa madilim ng lansangan. Ngunit sa kalagitnaan ng daan na binabagtas ng dalawang motorista na parehong walang helmet ay may nakahambalang na trak na may kargang mga troso. Bagsak ang mga gulong nito sa hulihan. Sa tulin ng pagpapatakbo ng mga nakamotorsiklo ay hindi agad napansin ang makisap na kulay dilaw at patatsulok na gamit-babala sa gawing likuran ng sasakyan na mayroon pang sindidong ilaw sa pwitan.
Nakatutulig ang impak ng dalawang magkasunod na pagsalpok ng mga motorsiklo sa trak ng troso. Parang may naganap na pagsabog. Umilandang paitaas ang dalawang nagmamaneho ng motorsiklo. Bumagsak ang isa sa ibabaw ng salansan ng mga troso sa trak, si Rigor. Ang pangalawa ay si Jimboy na humagis sa gitna ng kalsada.
Agaw-buhay si Rigor nang isugod ng mga tauhan ng rescue team sa isang kilalang ospital sa lungsod ng Quezon. Linsad ang buto ng kanang balikat, bali ang kanang balakang at tuhod, at nakanga-nga ang malaking sugat sa noo. Ngunit mas grabe ang mga pinsalang natikman ni Jimboy na padapang lumanding sa sementadong daan: bali ang mga hita, nagkalinsad-linsad ang mga parilya ng dibdib, at dispormado ang duguang mukha na animo pinalo ng maso. (Itutuloy bukas)
Rey Atalia