MALAKAS ang bulungan sa mga huntahan ngayon sa mga sabungan at sa pulisya, hinggil sa naganap na ambush sa dating konsehal ng Marikina na si ELMER NEPOMUCENO.
Sa mga HUNTAHAN ay lumulutang ang anggulong ‘JUETENG’ ang dahilan ng ambush kay ELMER NEPO.
Sabi ng isang retiradong HENERAL, dahil daw sa kainutilan ng ONE STRIKE POLICY ng Philippine National Police (PNP) ay nagkaroon ng ‘INTERNAL SQUABBLE’ sa hanay ng mga ‘JUETENG LORD’ na nagresulta nga sa pagpaslang ng riding-in-tandem kay ELMER NEPO.
Ang kwento-kwento, si NEPO na dating kilalang jueteng operator at naging opposition councilor sa Marikina City ay muling pumasok sa 137 dahil maluwag nga ang PNP at hindi seryoso sa implementasyon ng ONE STRIKE POLICY.
Sa kanyang pagbabalik, sinabing mayroong ‘nasagasaang teritoryo’ ang kanyang operasyon kaya isa ‘yun sa anggulong tinitingnan ng pulisya.
Ang isang anggulo naman daw, nagalit ang isang ‘Gambling Lord’ kay Nepo dahil sa bintang na nag-o-operate siya nang ‘pailalim.’
Mainit din umano kay ELMER NEPO ang kanyang dating KASOSYO sa 137 na si BOSSING ALLAN dahil kumalas na nga siya sa kanilang partnership at nagtayo ng sariling operasyon.
Sa katunayan, mula nang kumalas si ELMER NEPO sa partnership nila ni BOSSING ALLAN ‘e nakopo na niya ang 137 sa South Metro Manila.
Kahit itanong n’yo pa raw kay Southern Police District (SPD) Director C/Supt. Jose Erwin Villacorte?
Tinitingnan rin ng pulisya ang political background ni ELMER NEPO. Noong nakaupo kasi siyang KONSEHAL sa Marikina City ‘e nabansagan siyang OPPOSITION COUNCILOR.
Meron kayang ‘NAGALIT’ sa kanya na tinamaan ng kanyang pagiging OPPOSITION COUNCILOR?!
By the way, kilala rin nga pala sa mundo ng SABONG si ELMER NEPO.
Katunayan, siya ang President ng Gamefowl Breeders Association of Rizal (GBAR).
Gusto rin silipin ng pulisya kung sino ang kanyang madalas makasama sa sabungan. At s’yempre kung sino rin ang mga ‘hindi natutuwa’ sa kanya sa tuwing siya’y pumaparada sa sabungan.
Sa mga nakakikilala kay ELMER NEPO, maliit lang ang kanyang mundo … kaya siguro nakapadali niyang na-ZERO-IN kung sino man ang mastermind ng pagpapatumba sa kanya.
Ang masasabi lang natin, hangga’t hindi mahigpit na ipinatutupad ng PNP ang ONE STRIKE POLICY, t’yak na patuloy na MAGPIPIESTA ang mga ‘LORD’ … 137 o 1602 man ‘yan.
At habag NAGPIPIESTA ang mga ‘LORD,’ patuloy ang kanilang kompetensiya … dahil d’yan, hindi nakapagtatakang pagplanohan ng bawat isa ang pagpapatumba sa mga kalaban nila.
Ang PNP?! NGANGA sa gitna ng JUETENG WAR!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com