HIMALA ANG DINARASAL NI MARIO PARA SA KANYANG KALAYAAN PARA MAGPANIBAGONG-BUHAY
Si Major Delgado ang pumalit kay Kernel Bantog. Matinong pulis, matinong serbisyo at pamamalakad ang ipinatupad nito sa nasasakupan. Hindi rin ito nangi-ming linisin ang pinamumunuang himpilan sa mga tiwali at abusadong kapulisan.
“Narito tayo para mangalaga at mag-serbisyo sa mamamayan,” ang paalala ni Major Delgado sa mga tauhan nito sa motto ng PNP. “Aasahan ko ang full support n’yo sa liderato ko.”
Nang mabalitaan ni Mario ang pagkasibak sa tungkulin ng grupo ni Kernel Bantog, nanlura lang siya at naibulong sa sarili: “Ang demonyo saan man pumaroon ay sunung-sunong ang sungay.” Wala siyang pakialam kung sino man ang maging hepe ng pulisya ng bayan. At lalong wala siyang paki kung talunan man si Mayor Rendez sa nagdaang botohan. Ang sa kanya lang, matapos na sana ang pinagdaraanan niyang kalbaryo, makapamuhay nang normal at kasihan ng kaligayahan at kapayapaan ang pagsasama-sama ng kanyang pamilya.
Sa loob ng piitan, nakapisan na uli ni Mario ang mga kapwa preso na nasama-han niya sa bigong pagpuga. Kumpleto ang kanilang dating bilang na dalawampu’t walo. May nadagdag na apat pa na bagong pasok. Lalo tuloy silang nagsiksikan doon na parang sardinas sa lata. At sa kawalan ng pag-asa at makakapitan na timbulan, natuto si Mario na magdasal. Paulit-ulit niyang nauusal ang kaisa-isang kahilingan: maghimala nawa ang langit upang sa paggising niya sa kinau-magahan ay malayang-malaya na siya sa mga pader at rehas na bakal.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia