NAILIGTAS ng mga tauhan ng Taguig City Police ang anim katao kabilang ang apat na bata na ginawang hostage ng isang taho vendor sa loob ng kanilang bahay sa naturang lungsod kahapon ng tanghali.
Halos tatlong oras ang inabot bago nailigtas ang mga hostage na sina Tristan Subilio, 15-anyos; mga kapatid na sina Luis, 13; Bonbon, 10; at 2-anyos na bunso; pinsan na si Diane, 18; at 30-anyos yaya na si Mae.
Isinugod sa pagamutan sakay ng ambulansya ang hostage taker na kinilalang si Rael Aquino, alyas JR, ng Tenement, Brgy. Western Bicutan.
Sa ulat, dakong 12:30 ng tanghali nang pumasok ang suspek sa bahay ng mga Subilio at ginawang hostage ang anim katao gamit ang dalawang patalim sa ikatlong palapag ng bahay sa Block 11, Lot 17 Brgy. Pinagsama.
Ayon sa kapitbahay na si Virgie Benjamin, kakilala niya ang salarin na unang nagpunta sa kanya para humingi ng tulong sa problema sa kanyang misis bukod pa sa mayroon umanong humahabol na lalaki at papatayin siya.
Nang hindi pansinin ni Benjamin, agad pumasok ang salarin sa bahay ng mga Subilio at isinagawa ang pag-hostage sa mga biktima.
Tinangkang maki-pagnegosasyon ng pulisya kay Aquino ngunit tanging ama ng mga biktima na si Von Subilio ang kinakausap ng salarin.
Dakong 4:00 ng hapon nang buksan ng salarin ang tangke ng gas sanhi upang mag-panic ang mga hostage.
Ani Subilio, nang marinig niya ang mga anak na nagpa-panic, nagpasya siyang pasukin ang bahay at nakipambuno sa salarin katulong ang ilang anak.
Sumunod na rin ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics unit hanggang nakontrol ang hostage taker.
Itinanggi ng pulisya na nabaril nila ang hostage taker na isinugod sa pagamutan dahil sa mga sugat na resulta sa pakikipagbuno. Inaalam rin kung nasa impluwensya ng ilegal na droga ang suspek.
Personal na tinutukan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang insidente at kanyang pinapurihan ang ama ng mga biktima dahil sa tapang at “presence of mind” gayon din ang kanyang mga tauhan sa Taguig City Police sa matagumpay na rescue operation.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek upang hindi tularan. (JAJA GARCIA)