MAHIGIT na sa 300 kilometro ang lakas ng hangin ng super typhoon Yolanda.
Ito ay batay sa advisory na inilabas ng US Navy and Air Force Joint Typhoon Warning Center (JTWC) dakong 11 p.m. kamakalawa, oras sa Filipinas.
Ang Yolanda na binansagan ng international weather agencies bilang “world’s strongest tropical cyclone of 2013″ ay umaabot na sa 305 kph ang lakas ng hangin na may pagbugso ng hanggang 370 kph (200 knots).
Tinaya pa ng Hawaii-based weather center na mananatiling super typhoon si “Yolanda” sa loob ng 24 oras, na unang tatama ang sentro ng bagyo sa bahagi ng Eastern Samar.
Sinasabing ang kategorya ni “Yolanda” ay mas malakas pa ang dalang hangin kompara sa iba pang Category 5 level na mga bagyo ngayon taon na “Usagi,” “Francisco,” “Lekima” at “Phailin” na mayroon lamang 260 kph.
Sa local Pagasa, ang lakas ng bagyong Yolanda ay hanggang 260 kph.
4 NA PATAY KAY ‘YOLANDA’
APAT na ang naitatalang namatay sa patuloy na pananalasa ng sentro ng bagyong Yolanda sa Ilo-ilo.
Kinompirma ni Mayor Alex Centena ng Calinog, Iloilo na binawian ng buhay ang mag-amang Sejar sa Brgy. Alibunan, Calinog, Iloilo.
Ayon sa alkalde, nakoryente ang anak na si Randy Cejar sa kasagsagan ng malakas na hangin habang tumutulong sa rescue operation at sunod na nakoryente ang ama at pareho silang namatay.
Isa ang naitalang patay sa Ticao Island sa bayan ng Masbate na naunang isinailalim sa storm signal number 4.
Ayon kay Meryn Esber, tagapagsalita ng Masbate Provincial Office, kinilala ang namatay na si Enix de Emla, 15.
Nakoryente ang binatilyo habang inaayos ang nasirang bubong ng kanilang bahay.
Iniulat ng OCD Caraga na namatay rin ang 56-anyos na si Jimmy Cabilan, residente ng Purok 3, Brgy. Poblacion, bayan ng Lingig, Surigao del Sur nang makoryente sa baha.
MARAMING LUGAR NAGKANSELA NG KLASE
BUNSOD ng pananalasa ng malakas na bagyong Yolanda, nagkansela ng klase kahapon ang maraming lalawigan at lungsod na nasa ilalim ng storm warning signal.
Mas lumawak at dumami rin kasi ang mga lugar na isinailalim sa signal number 4 at 3.
Kabilang sa mga nagdeklara ng suspensiyon ng klase ay ang mga sumusunod: sa Luzon ay ang Batangas, Bacoor, Caloocan City, Camarines Sur, Daet, Camarines Norte, Imus, Cavite; Kawit, Cavite; Laguna, Makati City, Malabon City, Mandaluyong, Mendez, Cavite, Muntinlupa City, Navotas City, Marikina City, Parañaque, Pasay, Pasig City, Pateros City, Quezon City, Quezon Province, Rizal Province, San Juan City, Sorsogon City, Tagaytay City, Taguig City, at Valenzuela City.
Sa Visayas, sinuspinde rin ang klase sa Bacolod City, Baybay, Leyte; Biliran, Bohol, Borongan City, Samar, Cebu Province, Dumaguete City, Eastern Samar, Lapu-Lapu City, Maasin City, Mandaue City, Negros Oriental, Southern Leyte,
Sa Mindanao, ang Butuan City, Compostela Valley, Surigao del Norte, Tagum City.
125 ROUNDTRIP DOMESTIC FLIGHTS, 4 ROUNDTRIP INTERNATIONAL FLIGHTS KINANSELA NG CEBU PACIFIC
BUNSOD ng bagyong Yolanda (Haiyan), kinansela ng Cebu Pacific ang tinatayang 125 roundtrip domestic flights at 4 roundtrip international flights mula Nobyembre 7 hanggang 10, 2013.
Ang apektadong mga pasahero ng nasabing kanselasyon ay maaaring i-rebook ang kanilang flights sa loob ng 30 araw, nang free of charge. Maaari rin i-reroute sa pinakamalapit na alternate airport, piliin ang full refund o full travel fund.
Samantala, ang Cebu Pacific passengers na may domestic at international flights mula Nobyembre 7 hanggang 10, 2013 patungo o mula sa Visayas region, Bicol region, Palawan, Mindoro at piling Mindanao destinations ay maaari rin i-rebook o i-reroute ang kanilang flights, o piliin ang full refund o full travel fund, kahit hindi nakansela ang kanilang flights.
Ito ay kinabibilangan ng flights patungo o mula sa Cebu, Tacloban, Tagbilaran, Iloilo, Bacolod, Kalibo, Caticlan (Boracay), Roxas, Dumaguete, Legazpi, Naga, Virac, Puerto Princesa, Busuanga (Coron), San Jose, Siargao, Surigao, Pagadian, Butuan, Ozamiz, Cagayan de Oro at Dipolog.
Ang mga pasahero ay maaaring tumawag sa (02) 7020-888 o (032) 230-8888 para sa napili nilang opsyon, ano mang oras, maging makaraan ang kanilang flights.
HATAW News Team