ITINAAS na sa signal number 3 ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa super typhoon Yolanda.
Ayon sa ulat ng Pagasa, huling namataan ang naturang bagyo sa layong 637 km silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur o 738 km timog silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Napanatili nito ang lakas ng hangin na 215 kph at pagbugsong 250 kph.
Kumikilos ito nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 kph.
Kabilang sa signal number 3 ang mga lalawigan ng Eastern Samar, Samar, Leyte, Southern Leyte, Siargao Island, at Dinagat Province.
Itinaas naman sa signal number 2 ang mga lalawigan ng Sorsogon, Masbate, Ticao Island, Northern Samar, Biliran Province, Bantayan, Camotes Islands, Northern Cebu, Cebu City, Bohol, Surigao Del Norte, Camiguin, Surigao Del Sur, at Agusan Del Norte.
Nasa signal number 1 ang mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Mindoro Provinces, Burias Island, Romblon, Marinduque, Calamian Group of Island, Southern Quezon, Aklan, Capiz, Iloilo, Antique, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Rest of Cebu, Siquijor, Misamis Oriental, at Agusan del Sur.
CEBU PACIFIC NAGKANSELA NG FLIGHTS SA BAGYO
BUNSOD ng bagyong Yolanda (Haiyan), sinabi ng Cebu Pacific na ang mga pasahero ng domestic at international flights mula Nobyembre 7 hanggang Nobyembre 10, 2013 na mula o patungo sa Visayas region, Bicol region, Palawan at ilang Mindanao destinations, ay maaaring i-rebook ang kanilang flights sa loob ng 30 araw, nang free of charge.
Ang mga pasahero ay maaaring i-rebook ang kanilang flights mula at patungo sa Cebu, Tacloban, Tagbilaran, Iloilo, Bacolod, Kalibo, Caticlan (Boracay), Roxas, Dumaguete, Legazpi, Naga, Virac, Puerto Princesa, Busuanga (Coron), San Jose, Siargao, Surigao, Pagadian, Butuan, Ozamiz, Cagayan de Oro at Dipolog.
Bukod sa rebooking option, maaari rin i-reroute ang mga pasahero sa pinakamalapit na alternate airport o piliin ang full travel fund o full refund.
Maaaring tumawag ang mga pasahero sa (02)7020-888 o (032)230-8888 para sa kanilang opsyon, ano mang oras maging pagkatapos ng kanilang flights.
Ang sumusunod na flights kahapon ay kinansela bunsod ng bagyong Yolanda:
5J 767/ 768 Manila-Surigao-Manila, 5J 223/ 224 Cebu-Butuan-Cebu, 5J 787/ 788 Manila-Butuan-Manila, at 5J 391/ 392 Manila-Cagayan de Oro-Manila
Ang apektadong mga pasahero ng kanseladong flights ay maaaring mag-avail ng kaparehong mga opsyon.
Magpapatuloy ang Cebu Pacific sa paglalaan ng updates kung available. I-follow ang @CebuPacificAir sa Twitter o Cebu Pacific Air’s official Facebook page.