Monday , December 23 2024

Enrile ‘ninong’ ng scam — Miriam

110813_FRONT

TINAWAG  ni Senadora Miriam Defensor Santiago si Senador Juan Ponce Enrile bilang godfather ng lahat ng scams na nabunyag bukod sa pork barrel scam ni Janet Lim Napoles.

Nanniniwala si Santiago na hindi maglalakas ng loob si Napoles na pumasok sa naturang kontrobersya kung walang taong  nasa  likod  ng negosyante at nagbibigay proteksyon.

Ayon kay Santiago, sa background pa lamang ni Napoles sa kanyang bio data ay tiyak na walang sapat na kakakayahan para mapasok ang mundo ng pork barrel kung walang taong nagbibigay ng proteksyon sa kanya.

Tinukoy pa ni Santiago, naganap ang lahat ng scam sa pork barrel noong panahon na si Enrile ang Senate President o pinuno ng Senado.

Naninindigan si Santiago na hindi siya natatakot kay Enrile dahil matanda na umano at wala nang sapat na lakas para gumawa ng kung anong hakbangin.

Iginiit ni Santiago na ang testimonya ni Napoles ay patunay na mayroong pinoprotektahan ang negosyante na isang malaking tao.

Binigyang-diin pa ni Santiago na ang “demeanor” ni Napoles sa pagharap bilang testigo ay sobra-sobra pa sa pagiging “evasive.”

Kay Napoles…
TELL THE TRUTH OR GET KILLED

NAGBABALA si Senadora Miriam Defensor Santiago kahapon kay Janet Lim Napoles na sabihin ang totoo o mapatay sa pananatiling tikom ang bibig.

“Pag-isipan niya ‘yan sana, dahil ipinaiintindi ko sa kanya kanina na nanganganib ang buhay niya kasi may mga lihim siyang itinatago,” pahayag ni Santiago sa press conference makaraan niyang igisa si Napoles sa ginanap na Senate blue ribbon committee kaugnay sa P10-billion pork barrel scam.

Pinayuhan din ni Santiago si Napoles na magbigay ng written statement o deposition, upang hindi na mangamba kaugnay sa kanyang kaligtasan.

“When you present her testimony, her affidavit, it’s as if she’s talking in court. That’s the weight of her deposition, so she no longer has to fear anybody,” paliwanag ni Santiago.

Sa kabila ng pananahimik ni Napoles, umaasa pa rin si Santiago na makokombinse rin na ipahayag ang katotohanan kaugnay sa PDAF scam.

“Baka makombinse siya na magsabi nang totoo. She is always in danger. There’s always a possibility you might want to get rid of her,” dagdag pa ng senadora.

SENADO WALANG NAPIGA KAY NAPOLES

WALANG napiga si Senador Teofisto Guingona sa pagtatanong kay Janet Lim Napoles dahil lahat ng mga katanungan ay puro “wala siyang alam” ang isinasagot ng negosyante.

Tinawag naman nina Benhur Luy, Merlina Sunas at Gertrudes Luy na sinungaling ang dati nilang boss na si Napoles dahil alam na alam aniya ng negosyante ang katotohanan sa kontrobersiya.

Inamin din ng mga whistleblower sa mga senador na minsan, mismong sila ang nag-aabot o nagbibigay ng pera sa mga mambabatas na sangkot sa kontrobersyal.

Giit ni Benhur, may mambabatas na nagpupunta sa kanilang opisina at kung minsan naman ay siya pa mismo ang nagdadala ng “kickbacks” ng ilang mambabatas.

Kabilang sa mga mambabatas na pinangalanan ni Luy ay sina Reps. Valdez, Plaza, mga staff ng mga senador na sina Atty. Richard Cambe, Ruby Tuazon, Pauleen Labayen, at Ms. Pauleen.

Nagbibigay din aniya ng 10% komisyon si Napoles sa mga head ng implementing agencies, kabilang si NABCOR head Alan Jabellana.

Sa komisyon naman aniya ng mga kongresista, 50% ang komisyon na hinihingi ng mga mambabatas.

‘KICKBACKS’ NG SOLONS  ITINANGGI NI NAPOLES

TODO-TANGGI si Janet Lim-Napoles sa pagkakadawit sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel fund scandal.

Sa pagtatanong ni Senate blue ribbon committee chair at Sen. Teofesto Guingona, iniungkat niya ang mga nakasaad sa testimonya ng mga testigo, partikular ang natanggap na “kickbacks” ng ilang mambabatas sa mga ginamit nilang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ngunit ayon kay Napoles, walang katotohanan ang nasabing alegasyon.

“Sa tingin ninyo, kung may ganoong kickback, do you think pipirma ng vouchers ang mga senador o chief of staffs? Wala iyang vouchers, vouchers na iyan. Walang ganyang bigayan ng pera,” giit ng negosyante.

Mariin din niyang pinabulaanan ang pagkaka-ugnay sa sinasabing 21 pekeng NGOs at foundations.

Ngunit agad kinontra ni Luy ang mga pagtanggi ni Napoles.

“Sir, nagsisinungaling po siya. Totoo po ‘yon,” giit ni Luy.

FERTILIZER SCAM ITINANGGI

BUKOD sa pork barrel scam, mariing itinanggi ni Janet Lim-Napoles ang kanyang pagkakadawit sa kontrobersyal na fertilizer fund scam.

Sa pagtatanong ni Sen. Grace Poe kay Napoles, iginiit ng negosyante na wala siyang kinalaman sa nasabing eskandalo.

Ito’y kahit iginiit ni Benhur Luy sa Senate Blue Ribbon Committee na may tatak ng kompanya ni Janet Lim-Napoles ang naturang mga ornamental fertilizer.

“Ang masakit do’n, pinagnakawan ang mga magsasaka,” ani Poe.

Sagot naman ni Napoles: “Wala akong kinalaman do’n.”

HIRIT NA EXECUTIVE SESSION NI NAPOLES TINABLA NG SENADO

IBINASURA ng Senate Blue Ribbon Committee ang hirit ni Janet Lim Napoles na executive session ukol sa kanyang pagdalo sa pagdinig kaugnay sa pork barrel scam.

Nauna rito, hiniling ni Napoles ang isang close door session dahil sa aniya’y sensitibong usapin gayondin sa mga sensitibong bagay na matatalakay.

Ikinatwiran ni Senador Teofisto Guingona, chairman ng komite, hindi maaaring mapagbigyan ang kahilingang ito ni Napoles dahil wala naman usapin ng national security ang isinasagawa nilang imbestigasyon gayondin sa kanyang bibitiwang pahayag.

SINUNGALING — SENATORS,  WHISTLEBLOWERS

TAHASANG tinawag ng mga testigo sa pork barrel scam na sinungaling si Janet Lim-Napoles sa kanyang mga pahayag sa pagharap sa Senate blue ribbon committee.

Kasunod ito ng mga pagtatanong ni Committee chairman Sen. Teofisto Guingona kay Napoles kung pag-aari ng negosyante ang 21 foundations na ginamit sa kanyang negosyo.

Nabatid na itinanggi ng negosyante ang foundations na nakasaad sa sinumpaang salaysay ng mga testigo.

“Hindi po totoo ‘yan,” ani Napoles.

Tugon naman ni Luy: “Sir, nagsisinungaling po siya. Totoo po iyon.”

Dagdag naman ni Merlina Sunas: “Totoo po na siya nagsabi na gumawa kami.”

Maging si Senadora Miriam Defensor-Santiago ay naghayag ng pagdududa sa iginawi ni Napoles na alam niya bilang dating huwes kung nagsisinungaling ang isang tao o hindi.

Pinaalalahanan ng senadora ang respondent na hindi niya maaaring igiit sa lahat ng pagkakataon ang kanyang karapatan “against self-incrimination.”

Sa pagtatanong naman ni Sen. Chiz Escudero  ”opo” ang naging sagot ni Napoles na pawang kasinungalingan ang mga naging alegasyon sa kanya ng mga whistleblower.

Wala rin daw siyang kinalaman sa anomalya sa pork barrel ng mga senador at congressman.

Ang kanya raw kayamanan ay galing sa coal mining ng kanyang mister.

Hindi naman naitago nina Senators JV Ejercito at TG Guingona at Grace Poe ang pagkadesmaya.

Tinawag tuloy ni Guingona na may “selective memory loss” si Janet at iwas lang nang iwas.

Maging si Sen. Alan Peter Cayetano ay tinawag din na sinungaling si Napoles.

nina NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *