NARATING DIN NINA MARIO AT DELIA ANG ISANG LUMANG BAHAY SA CEBU AT DITO SILA MAGSISIMULANG MULI
Lubhang kinabagutan niya ang mahigit beinte kuwatro oras na pagbibiyahe sa gitna ng laot.
Isang gabi pa para marating nilang mag-anak ang pantalan ng Cebu.
Nagpalit-palitan sila ni Delia sa pagkalong at pag-aalaga ng anak. Kung noong paluwas ng Maynila ay kaysigla-sigla nilang mag-asawa sa paghabi ng magagandang pangarap, ang lahat ng ‘yun ay gunitang ipinagluluksa nila sa ngayon.
Mag-a-ala-siyete na ng umaga nang makarating ang mag-anak ni Mario sa pantalan. Dito sila sumakay ng habal-habal na naghatid sa kanila sa isang kantong papasok ng isang barangay.
Pilit binuksan ni Mario ang pinto ng lumang bahay na bulok na yero ang bubong, pero ang kabuuang kayarian ay gawa sa kawayan at sawali. Umalimbukay ang makapal na alikabok sa loob ng kabaha-yan nang pasukin ito ng hangin. Hinawi niya ng kamay ang sapot ng gagamba sa hamba ng pintuan sa pagpasok dito. Nagmukhang manipis at nangingitim na bulak ang mga agiw na nangagdikit sa mga binta, dingding, kisame at suluk-sulok ng dati nang lumang bahay na minana pa ni Mario sa namayapang mga magulang.
“Magsisimula tayong muli,” nasabi niya sa asawa.
Humilig si Delia sa dibdib niya. “Ang mahalaga’y sama-sama tayo ni bunso.”
Sumama si Mario sa pamamalakaya ng mga kakilalang mangingisda. Sa gabi sila pumapalaot.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia