TULOY ngayong araw ang pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na pork barrel scam na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, dadalhin ng pulis si Napoles sa Senado at ihaharap sa Senate Blue Ribbon Committee
Binigyang-diin ni Drilon na bilang resource person ay ibabatay ito sa rules and procedures ng Senado.
Sinabi ng mambabatas, nasa desisyon naman ni Napoles kung tatanggapin niya ang abogado mula sa Public Assistance Office (PAO) na maaari naman niyang tanggihan o tanggapin tulad ng nakasaad sa rules of procedures.
Ngunit kahit aniya tanggihan ni Napoles ang PAO lawyer ay hindi maaaring hindi dumalo ang negosyante sa pagdinig ng Senado.
“Tingnan na lamang natin kung ano ang mangyayari,” pahayag ni Drilon.
Samantala, nagsagawa ang Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) ng dry run kung paano nila itu-turn over si Napoles sa kustodiya ng Senate Sergeant at ARMS (OSAA) ngayong araw para sa pagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Roger Pacete ng OSAA, kung hindi naka-wheel chair si Napoles ay hindi siya idaraan sa elevator kundi sa hagdan sa back exit ng Senado na sana’y dinaanan noon ni dating Chief justice Renato Corona nang nagtangkang tumakas mula sa impeachment trial.
Maaari rin sa Gate 2 ng Senado malapit sa GSIS idaan si Napoles kung may rally ng mga anti-pork barrel activist sa main gate ng Senado.
Karaniwang isinasara ng OSAA ang main gate kapag may mga kilos protesta upang maiwasan na makapasok ang mga raliyista sa premises ng Senado.
Pinangunahan naman ni PNP SAF Col. Noli Taliniz ang dry run upang maging pamilyar ang mga security escort ni Napoles sa pasikot-sikot sa loob ng Senado.
Handa na aniya ang PNP SAF at ang OSAA sa ano mang mga hindi inaasahang scenario sa pagdating ni Napoles.
Kabilang sa mga resource person ay sina Benhur Luy, Ms. Gertrudes Luy, Ms. Marina Sula, Merlina Sunas, Ms. Simonette Briones, at Ms. Mary Arlene Baltazar.
Kabilang sa mga senador na dadalo sa pagdinig ay sina Sonny Angara, Bongbong Marcos, Koko Pimentel, Cynthia Villar, Serge Osmeña, Alan Cayetano at Pia Cayetano.
NAPOLES MAGSISINUNGALING SA SENADO — DE LIMA
INAASAHAN ni Justice Sec. Leila De Lima na walang mapipigang katotohanan ang Senado mula kay Janet Lim-Napoles, sa pagharap ng negosyante sa imbestigasyon kaugnay sa kinasasangkutang pork barrel scam.
Sinabi ng kalihim na hangga’t walang iaalok na “immunity” ang mga mambabatas, asahang hindi magsasalita nang totoo ang negosyante dahil tiyak na maiipit si Napoles sa kahaharaping kaso.
Una nang nagsampa ang Department of Justice ng plunder charges laban kay Napoles dahil sa sinasabing maanomalyang paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas.
Samantala, isang araw bago ang pagharap sa imbestigasyon ng Senado, naging normal ang medical conditions ni Napoles.
ni CYNTHIA MARTIN