TUMAAS ng 270% ang krimen sa Metro Manila nitong nakaraang buwan kompara sa kaparehong panahon noong 2012.
Sa inilabas na datos ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), nakapagtala ng 17,091 krimen sa buong Metro Manila nitong nakaraang Oktubre 2013, mas mataas kompara sa 4,614 krimen na naiulat noong Oktubre 2012 na umakyat katumbas ng 270%.
Ikinatwiran ng NCRPO na ang pagtaas ng krimen ay mula nang sumunod ang mga estasyon ng pulisya sa direktiba na isama sa kanilang ulat ang mga krimen na iniulat sa mga barangay at hindi nakaaabot sa mga estasyon ng pulisya at mga “traffic crime.”
Sa 17,091 naiulat na krimen, nasa 7,418 ang iniulat ng NCRPO na may 43.40% crime solution efficiency.
Pinakamataas ang bilang ng krimen na nakalap ng DIDM sa Southern Police District na may naitalang 71,208 habang 24,658 lamang ang iniulat sa police station (UCPR); sunod ang Quezon City Police District (QCPD) na may 29,949 crime report sa DIDM at 25,987 UCPR; ikatlo ang Eastern Police District na may 28,711 DIDM crime report at 14,632 UCPR; 20,299 krimen ang nakalap ng DIDM sa Manila Police District at 17,887 UCPR at 9,486 sa Northern Police District na may 9,641 UCPR.
Sa mga District Offices, ang SPD ang may pinakamataas na “unreported crimes” na umabot sa 65.37%; sunod ang EPD na may 49.04% at ikatlo ang QCPD na may 13.53%. (JAJA GARCIA)