AABOT sa halagang P150,000 ang gagastusin ng pambansang pulisya sa pagdalo ni Janet Lim-Napoles sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committe bukas, Nobyembre 7.
Ayon kay PNP PIO chief, S/Supt. Reuben Theodore Sindac, ang nasabing pondo ay gagamitin bilang paghahanda ng PNP sa pagbiyahe ni Napoles mula Fort Sto. Domingo sa Laguna patungong Senado.
Ayon kay Sindac, nasa P125,000 ang ilalaan para sa maintenance, gasolina ng gagamitin na mga sasakyan at operations, habang ang natitirang P25,000 ay para sa pagkain ng mga pulis na magsisilbing escort ni Napoles.
Nilinaw naman ni Sindac na ang nasabing pondo ay para sa 24-hour movement na magsisimula sa gabi pa lamang ng Miyerkoles.
Nabatid na ang nasabing pondo ay ibinatay ng PNP sa ginastos sa mga nakaraang pagbiyahe kay Napoles mula Fort Sto. Domingo patungong Makati RTC.
Nasa 100 pulis naman ang inaasahang magbibigay ng seguridad kay Napoles na magmumula sa Special Action Force, PRO 4-A, CIDG, NCRPO, at HPG.
nina CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN