PAIIGTINGIN ng Senado ang seguridad para kay pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles na nakatakdang dumalo sa Senado para sa pagdinig sa nasabing isyu sa Huwebes.
Sinabi ni Senate sergeant-at-arms Jose Balajadia, Jr., humiling na ang kanyang tanggapan ng 60 karagdagang mga pulis mula sa Pasay City Police upang tumulong sa pagbibigay ng seguridad sa bisinidad ng Senate building sa Pasay City sa Huwebes.
“Mas matindi ito kay Corona. Napoles is already a high-risk personality from Laguna… She is the most high-risk Senate guest in the last 10 years,” pahayag ni Balajadia sa mga reporter kahapon, tumutukoy sa pagdalo ni dating Chief Justice Renato Corona sa Senado kaugnay sa impeachment trial laban sa dating punong mahistrado.
Si Napoles, kasalukuyang nakapiit sa Laguna para sa illegal detention case, ay pinadalhan na ng subpoena ng Senate blue ribbon committee para sa pagdinig sa Huwebes kaugnay sa pork barrel scam.
Samantala, ibinasura ni Senate blue ribbon committee chairman Teofisto Guingona III ang hiling ni Sen. Serge Osmeña na ipagpaliban muna ang pagdinig at pagharap ni Janet Lim-Napoles sa Senado na nakatakda sa Nobyembre 7 kaugnay ng multi-billion peso pork barrel scam.
Nais ni Osmeña na gawin na lamang ang pagdinig sa Nobyembre 18 kasabay ng pagbabalik sesyon ng mga Senado.
Ngunit nanindigan si Guinona na tuloy ang pagdinig ng Blue ribbon sa Nobyembre 7 at wala aniyang dahilan para ipagpaliban ito.
Magsisimula aniya ang pagdinig dakong 10 a.m. at magkakahara-harap ang inaakusahang pork barrel queen na si Napoles at ang mga nag-aakusang whistleblowers sa pangunguna ni Benhur Luy na dating mga empleyado ni Napoles.
Ni CYNTHIA MARTIN