Bagama’t naantala, naging matagumpay naman ang inilunsad na Philippine Racing Commission (Philracom) Incentive race sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite nitong Linggo.
Nagwagi sa 2 year old non-placer ng Philracom Incentive race ang Kulit Bulilit ni Arman Chua matapos pakainin ng alikabok ang mga kalaban.
Tinalo ni Kulit Bulilit ang anim na kalaban matapos ma-scratch sa laban ang kalahok na Con Te Partiro ng A.M. Pamintuan stable.
Pinagkalooban ng P.3 milyon ang Chua stable habang 112,500 ang pumangalawang couple entry na Red Flash at Royal Jester, pumangatlo naman ang Jazz Gold Heart na nag-uwi ng P62,500 at P25,000 sa pumang-apat na Sweet Daddy’s Girl.
Sinasabing unti-unti nang nakababalik sa porma si horse owner Partrick Uy matapos magwagi ang kanyang alagang The Lady Wins sa 3 year old winner division ng Insentive race.
Tumataginting na P.3 milyon din ang ipinagkaloob na premyo sa nanalong The Lady Wins habang P112,500 sa pumangalawang alaga ni Eric Tagle na High Grader, nag-uwi naman P62,500 ang pumangatlong si Veni Vidi Vici at P25,000 sa pang-apat na Chelzeechelzechels.
Sa darating na Nobyembre 10 bibitawan naman ang Grand Sprint Championship sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite .
Maglalaban para sa distansiyang 1,000 meters ang mga kalahok na C.Bisquick, Fierce and Fiery, Lord of War, Si Senior, Sharpshooter, Don Albertini at Tiger Run.
Nakalaan ang P1-milyon papremyo na ang magwawagi ay tatanggap ng tumataginting na P.6 milyon mula sa Philracom.
Ni andy yabot