NANAWAGAN ang Palasyo sa hacktivists na idaan sa legal na pamamaraan ang pagtutol sa pork barrel scam.
“Sapat ang mga legal na pamamaraan ng pagpapahayag ng saloobin ng mga mamamayan at hindi na kailangan pang lumabag sa batas sa pamamagitan ng hacking at defacing,” ani Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Kamakalawa o dalawang araw bago ang “Million Mask March” ngayon, ay hinak ng grupong “Anonymous Philippines” ang 39 website ng gobyerno .
Anang grupo, ito ang pinakamadaling paraan upang maipabatid ang kanilang mensahe sa publiko na isang ‘rebolusyon’ ang nagaganap dahil pagod na ang mga tao sa kalupitan, umiiral na pekeng demokrasya at mga politikong ang sarili lang ang iniisip.
Hinimok din nila ang publiko na sumama sa martsa sa labas ng Batasang Pambansa ngayon bilang pagtutol sa pork barrel scam.
(ROSE NOVENARIO)