ANG granada na natagpuan sa comfort room sa 3rd floor ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board National Capital Region sa East Avenue, Diliman, Quezon City, na nagdulot ng tensyon sa mga empleyado ng nasabing tanggapan makaraang makatanggap ng bomb threat sa telepono. (RAMON ESTABAYA)
Sa pangyayaring iyon, agad na pinalabas ang mga empleyado ng nasabing ahensiya ng pamahalaan upang makaiwas sa posibleng masamang mangyari, ayon kay Police C/Insp. Noel Sublay ng Quezon City Police District-Explosive Ordinance Division (QCPD-EOD).
Ani Sublay, dakong 9:30 ng umaga nang makatanggap ng tawag sa telepono ang isang admin staff ng LTFRB mula sa isang hindi nagpakilalang lalaki hinggil sa bombang sasabog sa kanilang tanggapan.
Sa ginawang paggalugad ng Bomb Squad, narekober ang isang fragmentation grenade sa comfort room na nasa ikatlong palapag ng gusali na nababalutan ng packaging tape kaya’t malabo itong sumabog.
Samantala, susuriin din ng awtoridad ang footage sa closed circuit television camera (CCTV) na nakalagay sa lugar upang matukoy ang may kagagawan ng naturang pananakot.
(JETHRO
SINOCRUZ)