TATANGKAIN ng Tsina na maging isa sa mga wildcard na entries para sa 2014 FIBA World Cup na gagawin sa Espanya.
Pormal na nagsumite ng aplikasyon ang mga Intsik na makapasok sa torneo pagkatapos na matalo sila sa quarterfinals kontra Chinese Taipei sa huling FIBA Asia Championships na ginanap dito sa Pilipinas noong Agosto.
Bukod sa Tsina, tatangkain ding makapasok bilang wildcard ang Qatar, Nigeria, Bosnia at Herzegovina, Finland, Germany, Greece, Israel, Italy, Poland, Russia, Turkey, Brazil, Venezuela at Canada.
Apat lang na wildcard ang ipapasok sa FIBA World Cup kasama ang punong abalang Espanya, Estados Unidos, Gilas Pilipinas, Iran, South Korea, Australia, New Zealand, France, Lithuania, Croatia, Slovenia, Ukraine, Serbia, Mexico, Puerto Rico, Argentina, Dominican Republic, Angola, Egypt at Senegal.
Ihahayag ng FIBA ang apat na wildcard sa Pebrero ng susunod na taon, kasama na rito ang pagkaroon ng loterya para malaman kung ano ang magiging groupings ng torneo na gagawin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14 ng susunod na taon.
Kung makakapasok ang Tsina, malamang ay makakalaban nila ang mga Pinoy na hindi nangyari noong FIBA Asia.
Sa panig ng Gilas, inaayos ngayon ni coach Chot Reyes ang iskedyul ng mga tune-up na laro ng kanyang koponan kontra sa mga bansang kasali na sa FIBA World Cup.
Todo-suporta ang PBA sa Gilas kaya inayos ng liga ang iskedyul ng bagong season para may pagkakataon ang national team na maghanda nang husto para sa FIBA World Cup. (James Ty III)