BALI-BALIGTARIN man ang mundo at paulit ulit na timbangin ang pros at cons, aba’y napakahirap namang ipikit ang mata at huwag piliin bilang No. 1 ang seven-footer na si Gregory Slaughter sa 2013 PBA Rookie Draft kahapon!
Kahit na anong mangyari, aba’y hindi puwedeng hindi kunin ng Barangay Ginebra San Miguel si Slaughter!
Kasi nga’y mayroong nagsasabi na puwede rin naman daw maging No. 1 pick si Ian Sangalang na isang dating Most Valuable Player sa National Collegiate Athletic Association.
Marami na rin naman daw napatunayan si Sangalang hindi lang sa NCAA kungdi pati na rin sa PBA D-League kung saan naging bahagi siya ng apat na kampeonatong napanalunan ng NLEX Road Warriors.
Puwede rin daw si Raymund Almazan na isang two-time defensive Player of the year sa NCAA at malamang na maging MVP sa taong ito.
Kaya naman may negatibong argumento kay Slaughter na bunga ng pangyayaring natalo ang NLEX sa Blackwater Sports sa nakaraang Foudnation Cup.
Hindi kasi nakaporma si Slaughter nang bantayan siya ni Justin Chua na kakampi niya sa Ateneo. E, hindi nga ba’t si Slaughter ang star ng Ateneo at karelyebo lang niya si Chua?
So, Kung kaya ni Chua na pigilan si Slaughter, aba’y kakayanin din ng ibang big men ng PBA na gawin ito.
Pero teka, teka.
Kapag ikaw ba ay lumabas sa kalye ay makakakita ka kaagad ng seven-footer?
Yun ang tanong na kailangang sagutin kung palalampasin si Slaughter.
Hindi, ‘di ba? At bata pa naman si Slaughter. Mahaba pa ang panahon para mag-improve ang laro nito.
Hindi porke’t natalo ito kay Chua sa nakaraang laban nila ay palagi na lang siyang matatalo.
Makakabawi din siya!
At sa pagbawi niya, aba’y panalo ang Barangay Ginebra!
Sabrina Pascua