MAG-UUSAP ang Management Committee ng National Collegiate Athletic Association sa Sports5 ngayong linggong ito tungkol sa pagsasahimpapawid ng mga laro sa Final Four at Finals ng Season 89 men’s basketball sa TV5.
Ayon sa pinuno ng MANCOM na si Dax Castellano ng College of St. Benilde, ililipat ang oras ng mga laro ng NCAA sa alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon para maipasok ang live coverage ng mga laro sa TV5 dulot ng pagkawala ng noontime show na Wowowillie ni Willie Revillame.
Noong isang taon ay ipinalabas sa TV5 ang huling laro ng finals ng Season 88 kung saan tinambakan ng San Beda College ang Letran, 67-39, upang makamit ang kampeonato.
Noong eliminations ng NCAA ay ipinalabas ang mga laro sa Aksyon TV 41 na news at sports channel ng TV5 ngunit ayon pa kay Castellano, mas marami ang manonood ng liga kapag sa TV5 ito mapapanood lalo na hindi pa nagsisimula ang bagong PBA season.
Magsisimula ang Final Four ng NCAA sa Nobyembre 7 sa Mall of Asia Arena.
Idinagdag ni Castellano na balak din ng NCAA na magdagdag ng isa pang playdate sa susunod na season para paiksiin ang torneo.
“We plan to have four playdates a week,” aniya. “We may even shorten the format depende sa pag-uusapan namin sa workshop sa summer.”
Inaasahan ding ngayong linggo ay ilalabas na ng MANCOM ang desisyon tungkol sa kaso ni Ryusei Koga ng San Beda na naglaro sa isang ligang labas kamakailan.
Nahaharap ang Red Lions sa pag-forfeit ng apat nilang panalo kung saan ginamit nila si Koga at babagsak sila sa ika-apat na puwesto sa Final Four kalaban ang Letran kung mapapatunayang nagkamali nga siya.
Maghaharap ang San Sebastian at Perpetual Help sa isa pang sagupaan sa Final Four kung babagsak nga ang San Beda.
(James Ty III)