IKALAWANG sunod na panalo at pagsosyo sa liderato ang puntirya ng Jumbo Plastic at Boracay Rum sa magkahiwalay na laro sa 2013 PBA D-League Aspirants Cup mamaya sa JCSGO Gym sa Quezon City.
Makakasagupa ng Jumbo Plastic ang Cafe France sa ganap na 12 ng tanghali at susundan ito ng duwelo ng Boracay Rum at Blackwater Sports sa ganap na 2 pm. Sa huling laro sa ganap na 4 pm ay magtutuos naman ang National University-Banco De Oro at Big Chill.
Noong Martes ay dinaig ng Jumbo Plastic ang NU-Banco de Oro, 76-56 samantalang dinurog ng Boracay Rum ang Derulo Accelero, 86-59.
Ang Jumbo Plastic ni coach Stevenson Tiu, ay nakakuha ng 25 puntos buhat kay Jopher Custodio sa laro kontra Banco de Oro. Nagdagdag ng tig-15 puntos sina Jason Ballesteros at Jan Colina.
Ang Cafe France ni coach Edgar Macaraya ay may 1-1 record.
Bagama’t nakauna ang Boracay Rum ay hindi nito puwedeng maliitin ang Blackwater Sports na naghahangad na maiuwi ang ikalawang sunod na kampeonato matapos na maghari sa nakaraang Foundation Cup kung saan winalis nito sa Finals ang NLEX.
Ang Blackwater Sports ay pinamumunuan nina Kevin Ferrer, Giorgio Ciriacruz at Narciso Llagas. kasama pa rin sa koponan sina Justin Chua at Robby Celiz na nagsilahok sa PBA Rookie Draft kahapon.
Idinagdag ni coach Leo Isaac sa kampo ng Elite sina Mikko Reyes, Mark Holstein, Jed Manguerra, Joseph Marata, Anthony Avillanoza at Adamson scorer Jericho Cruz.
Ang Big Chill, na hawak ni coach Robert Sison, ay pinamumunuannni UAAP Most Valuable Player Terrence Romeo. Subalit kung makakapirma ito sa PBA ay kakailanganin ni Sison na maghanap ng isang bagong team leader.
Kinuha ni Sison ang baguhang si Juneric Baloria subalit hindi pa ito puwedeng maglaro dahil sa nakapasok ang koponan nitong Perpetual Help Altas sa Final Four ng NCAA.
(SABRINA PASCUA)