NAGSUSUSPETSA kami na merong ‘POWERS-THAT-BE’ ang biglang pumasok sa eksena kaya sumampa ang isang kasong matagal na naming hiniling na ma-DISMISS dahil “lack of merit.”
Halos limang taon na ang kasong ito.
Pero nagulat kami na mahigit isang taon na ang nakararaan nang ihain namin ang hiling na dismissal ‘e biglang nabasa namin sa praise ‘este’ press release sa isang broadsheet na sumampa na pala ang kasong ‘obscene publication.’
Nauna pa ang praise ‘este’ press release sa dyaryo kaysa official document na dapat ipadala sa mga respondent.
Ang ginamit pong ebidensiya ni ex-Cong. Abante sa nasabing kaso ay ang babaeng artista sa front page ng aming pahayagan na naka-two piece swimsuit.
Nalaswaan daw sa ganoong pose si ex-Cong. Abante.
Simple lang po ang rason namin. Kung talagang malaswa para sa isang babae na naka-two piece swimsuit sa publiko, dapat ang una niyang inasunto ay ang mga noontime show sa telebisyon na kinakikitaan ng mga dancer na ganyan ang itsura.
Ang mga beauty pageant, na makikita talaga ang mga contestant sa suot nilang two-piece swimsuit.
Nationwide po napapanood ang mga palabas na ‘yan.
Bakit hindi iyon ang idinemanda ni ex-Cong. Abante?!
Gusto rin nga palang linawin ng inyong lingkod na sa lahat ng respondent, ang HATAW at ang FHM lang ang sumagot sa piskalya. Ibig po natin sabihin, in good faith po kami.
Pero nagtataka naman kami kung bakit biglang-bigla ang pag-akyat ng kaso sa Manila Regional Trial Court?!
Nagdududa tuloy tayo na mukhang may kamay dito ang maiimpluwensiyang opisyal sa Manila City Hall na kailan lang ay nababanatan natin dito sa Bulabugin.
Anyway, tanggap na natin ang ganyang klase ng panggigipit, ‘di ba Ma’am Arlene?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com