IPINAGPALIBAN muna ng Supreme Court (SC) ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa paggamit ng kwestiyonableng Disbursement Acceleration Program (DAP) Fund.
Ito ang napagkasunduan ng mga mahistrado ng SC kahapon sa isinagawang special en banc session.
Kasabay nito, mayorya sa mga mahistrado ang pabor na pagbigyan ang hiling ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa isinumite nitong oposisyon at manifestation sa korte.
Batay sa pleading ng OSG, hiniling ni Solicitor General Francis Jardeleza na payagan muna silang makapagsumite ng consolidated comment sa mga petisyong inihain kontra DAP at maisagawa ang oral argument bago desisyonan ang pagkakaloob ng TRO laban sa programa.
Kaugnay nito, itinakda ng SC sa darating na Nobyembre 11, ang en banc upang talakayin ang teknikalidad ng DAP.
Sa ngayon ay may limang petisyong nakabinbin sa SC na kumukwestyon sa legalidad ng DAP.
Una nang iginiit ng mga petitioner na illegal ang pagbuo ng DAP dahil walang kaukulang batas na itinakda ang Kongreso para sa paggamit ng nasabing pondo.
(BETH JULIAN)