KOMBINSIDO SI MAJOR DELGADO NA MALAKING ISDA ANG MGA SALARIN AT KAILANGAN PAGHANDAAN
“Hindi madaling hulihin ang malalaking isda,” pagbibigay-diin ni Major Delgado sa tatlong tauhan. “Kailangan, matibay ang lambat para ‘di makawala.”
Tama ang kutob ng opisyal na hindi si Mario ang salarin sa panggagahasa at pagpatay sa nursing student na si Lerma. Palibhasa’y matagal nadestino sa Cebu at natuto ng wikang Cebuano, naintindihan nito ang kahulugan ng sinabi noon ni Delia sa wikang Cebuano na, “Ayaw ng tubag tubag. Basin ug usa sad na sa mga buang na pulis, madugangan nang madugangan ang kaso mo.” (Tagalog: ’Wag kang sumagot nang sumagot. Baka isa rin ‘yan sa mga lokong pulis, madagdagan nang madagdagan ang kaso mo.) Isa pa, sadyang duda na ito noon pa man na kathang-isip lang ang mga sirkumtansi-yang testimonya sa sinumpaang salaysay ni Mang Pilo, dahil kabisado nitong dakong alas-diyes ng gabi ay karaniwang nakapuwesto na ang magbabalut sa labas ng mga beerhouse at videoke bar.
Siksikan ang mga preso sa panlalawigang piitan na pinaglipatan kay Mario mula sa selda ng himpilan ng pulisya sa munisipyo. Ang nakababanas na klima ng panahon ay karagdagang init sa kawalan nang maayos na bentilasyon at nagsasama-samang singaw doon ng mga katawan na kulang sa paligo. Nasabi tuloy ng isang detenidong tadtad ng tattoo ang katawan na ikinukondisyon na ang katawang-laman ng tulad nitong impiyerno ang destinasyong patutunguhan. (Subaybayan bukas)
Rey Atalia