HINILING ng Bureau of Internal Revenue sa Court of Tax Appeals na pagbayarin na si 8-division world champion at Sarangani Rep. Manny Pacquiao nang kabuuang P2.2-billion na “back income taxes” ng boksingero.
Ayon sa ulat, ang nasabing kahilingan ng BIR ay bilang tugon sa naunang apela ni Manny sa korte na maibasura ang tax assessment sa kanya para sa taon 2008 at 2009.
Ngunit giit ng ahensya, “demandable and executory” ang sinisingil ng gobyerno sa Filipino ring icon matapos balewalain ang Final Assessment Notice (FAN) na ipi-nadala sa kanya.
Napag-alaman na ang naiulat na tax deficiency ni Pacquiao ay bunsod ng kabiguan ng kanyang accountants na kumuha ng multi-million dollar tax credits mula sa US Internal Revenue Service (IRS) para sa kanyang Income Tax Return (ITR).
Bagama’t sa Amerika kinita ni Manny ang kanyang income, iginiit ng BIR na sa ilalim ng batas, nararapat pa rin niya itong ideklara sa kanyang ITR.
Ayon na rin kay Pacquiao, kumita siya ng kabuuang $28 million sa kanyang mga laban kay Juan Manuel Marquez, David Rios at Oscar dela Hoya noong 2008 at Ricky Hatton at Miguel Cotto noong 2009.
Sa nasabing halaga, kinuha ng IRS sa Amerika ang $8.4 million o nasa P395 million habang nagbayad din ng Value-Added Tax (VAT) sa BIR na nagkakahalaga ng P12 million para sa kanyang mga kinita sa product endorsements.
(HNT)