LAHAT ng puwedeng ibato ay ibabato na ng Petron Blaze at SanMig Coffee sa kanilang huling pagtutuos sa PLDT Telpad PBA Governors Cup finals mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nabigo ang SanMig Coffee na wakasan ang serye noong Miyerkoles nang magtagumpay ang Petron, 98-88 upang mapuwersa ang winner-take-all Game Seven.
Kung magwawagi mamaya ang Petron ay maiuuwi nito ang ika-20 titulo at makukumpleto ng rookie head coach na si Gelacio Abanilla III ang isang Cinderella finish.
Kung mananalo ang SanMig Coffee ay maibubusa naman nito ang ikasampung titulo at maiuuwi naman ni coach Tim Cone ang kanyang ika-15 korona upang maging winningest coach sa PBA history.
”We’re happy to have survived Game Six and force Game Seven. But we still have one more win to secure and I’m sure the boys will give it their best shot,” ani Abanilla na humalili kay Olsen Racela bago mag-umpisa ang torneo.
Nagposte ng 16 puntos na abante ang Petron kontra SanMig Coffee sa first half ng Game Six subalit nakahabol ang Boosters at nakalamang pa sa fourth quarter. Nagkaroon nga lang ng maraming turnovers ang SanMig Coffee sa dulo ng laro upang makatakas ang Boosters at magwagi.
Nagbida para sa Petron ang import na si Elijah Millsap na nagtala ng 30 puntos, walong rebounds, anim na assists at dalawang steals sa kabila ng pananakit ng kanyang paa. Nakatuwang niya sina June Mar Fajardo at Most Valuable Player Arwind Santos.
Sa kabila ng pagkatalo sinabi ni SanMig Coach Tim Cone na determinado silang makamtan ang titulo.
”This is it! No more room for lapses in Game Seven,” ani Cone na sumasandig kina Marqus Blakely, James Yap, Peter June Simon, Marc Pingris, Mark Barroca at Joe Calvin DeVance.
Makakatulong nina Milsap, Santos at Fajardo sina Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Doug Kramer.
(SABRINA PASCUA)