Maraming panahon na ang nagdaan at nagpapalit-palit ang opisyal ng Games and Amusements Board (GAB) subalit nagmistula lamang dekorasyon ang naturang tanggapan.
Ang GAB ang isa sa may kapangyarihan na sumupil at dumurog sa lahat ng kabuktutan at kalaban ng gobyerno lalo pa kung ang nakasalalay dito ay ang reputasyon ng sport.
Sa industriya ng karera malaki ang misyon ng GAB dahil isa sila sa mga nabibiyayaan ng tax na nakukuha mula sa mga mananayang karerista na dapat ay binibigyan ng proteksiyon mula sa mga gambling lord na bumababoy ng karera.
Subalit tila bulag at bingi sa mga reklamong natatanggap ang GAB na ngayon ay pinamumunuan na ni Juan Ramon Guazon.
Marahil bulag nga si Guanzon sa tunay na kalakaran sa kanyang pinamumunuang ahensiya dahil binubulag siya ng ilan niyang tauhan.
Isa sa mandato ng GAB ay ang aspeto na may kinalaman sa tayaan o betting sa karera ng kabayo dahil 10% na nakukuha sa taya ng mga karerista.
Subalit ang Philracom ay laging napagbubuntunan ng mga horse owners at pagkaminsan pa nga ay sa kongreso dahil sa kabiguan na labanan nito ang operasyon ng bookies.
Lingid sa kaalaman ng mga horse owners walang police power ang komisyon at ito ay nasa kamay na ng GAB.
Subalit tanungin natin ang GAB, may nagawa ba silang operasyon laban sa bookies na naglipana sa Maynila, Camanava area, Pasay, Parañaque, Makati City Pasig at Quezon City.
Mistulang halimaw ang bookies nina Boy Abang, Apeng Sy, Tom Saquiasa, Lyn Aguado, Gene Cruz at iba pang gambling lord ang hayagang binababoy ang karera.
Ang masama pa nito ilang horse owners ang tumatangkilik sa bookies. Abay itanong mo kina Jun Al at Ed Gon tiyak may makukuha kang impormasyon hinggil sa bookies.
Kailan ba kikilos ang GAB kapag huli na ang lahat, abay may nakarating na report sa akin na ilang pulis na nakatalaga diyan sa BAG ay kumukolekta ng TONG o PARATING sa bookies.
Sa susunod na pitak ay ilalantad ko sa inyo ang mga kolektor ng GAB.
Ni andy yabot