MAGDILANG-ANGHEL kaya si Joe Calvin de Vance?
Kasi’y nagmistulang manghuhula o kaya’y nangangarap ng gising itong si DeVance sa pre-Finals press conference na ginanap para sa PLDT telpad PBA Governors Cup best-of-seven championship series sa pagitan ng SanMig Coffee at Petron Blaze dalawang araw bago ang Game One.
Ani DeVance ay aabot sa Game Seven ang serye.
Sa huling dalawang segundo ng Game Seven ay mapa-foul ni Elijah Millsap si Marqus Blakely at tutungo ito sa free throw line. lamang ng isa ang San Mig Coffee. Maisu-shoot ni Blakely ang unang free throw pero magmimintis sa susunod. Nag-aagawan sa rebound sina deVance at Marc Pingris. Makukuha ni DeVance ang bola at maipa-follow-up. Papasok ito sabay sa pagtunog ng Final buzzer.
“We will win!”
Well, nagkatotoo na ang umpisa ng kanyang panaginip.
May Game Seven na nga at ito’y gaganapin mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum na inaasahang sasabog sa dami ng mga fans.
Pero imposible namang magkatotoo ang kanyang kuwento.
Puwedeng manalo ang SanMig Coffee subalit hindi sa scenario na sinasabi ni DeVance.
Unless totoo nga siyang propeta ha.
Ang mahalaga dito ay na-excite nang husto ang mga fans at hindi sila nakunsume tulad ng nangyari sa Finals ng unang dalawang conferences. Kasi winalis ng Talk N Text ang Rain or Shine, 4-0 sa Finals ng Philippine Cup at pagkatapos ay winalis din ng Alaska Milk ang Barangay Ginebra sa Finals ng Commissioner’s cup.
Natural na sumama nang husto ang loob ng mga fans ng Rain or Shine at Barangay Ginebra dahil sa hindi nakapagbigay ng magandang laban ang kanilang paboritong koponan.
At least, masaya ang mga fans ng Petron at SanMig Coffee. Kahit na ano ang kahinatnan ng serye, masasabi nilang pumukpok nang husto ang kanilang favorite team!
Sabrina Pascua