NANINIWALA ang People’s Movement for the Rule of Law and Propriety (PMRLP) na ang kapangyarihan ng mamamayan na lumikha ng batas sa pamamagitan ng people’s initiative ang magtutuldok sa mantsadong katiwaliang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel, at lahat ng uri nito.
“Kaya nakikiisa at aktibong lalahok ang PMRLP sa isinusulong na kilusan ni dating Chief Justice Reynato Puno na People’s Initiative laban sa pork barrel dahil hindi naman natin maaasahan na ang mga mambabatas ang mismong magtatanggal ng pondong kanilang winawaldas,’ pahayag ni PMRLP spokesman Peter Talastas.
Ayon kay Puno, may reserbang kapangyarihan ang sambayanang Filipino na gumawa ng batas sa ilalim ng Republic Act No. 6735, na nagtatakda ng isang sistema ng people’s initiative at referendum, na ang publiko ay direktang makapagpapanukala at makapagpapasa ng batas.
“Under our 1987 Constitution, the power to enact laws is no longer exclusively vested in Congress but can now be directly exercised by the people in recognition of the doctrine that the people are the real sovereign and not their elected legislators,”sabi pa ng dating Chief Justice.
Puwedeng gamitin ng publiko ang naturang kapangyarihan kapag nabigo ang mga inihalal na kinatawan na gampanan ang sagrado nilang tungkulin na lumikha ng batas upang isulong ang interes ng nakararami o kapag tinalikuran nila ang tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng publiko.
Upang makapasa ang isang batas sa pamamagitan ng people’s initiative, kailangang iendoso ito ng 10 porsiyento ng rehistradong botante o katumbas ng anim na milyon o tatlong porsiyento ng rehistradong botante sa bawat distrito.
Kombinsido rin ang PMRLP na ang pork barrel ang pangunahing dahilan sa pagyabong ng political dynasty sa bansa, kaya’t kung ipagbabawal ng batas ay mawawalan na ng interes na mamayagpag sa iba’t ibang puwesto sa pamahalaan ang angkan ng mga politiko.