PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa 10 kidnaper sa kasong kidnapping for ransom matapos dukutin ang isang negosyanteng Chinese noong 1998.
Base sa desisyon ng Supreme Court en banc, sina Halil Gambao, Eddie Karim, Edwin Dukilman, Tony Abao, Raul Udal, Theng Dilangalen, Jaman Macalinbol, Monette Ronas at Nora Evad ay hinatulan ng reclusion perpetua at hindi rin binigyan ng pagkakataon na makahingi ng parole sa parusang ipinataw sa kanila.
Ang ika-10 akusado na si Thian Perpenian ay hinatulan lamang ng anim taon at anim na buwan bilang accomplice sa krimen.
Kasabay nito, inatasan ng Supreme Court ang Correctional Institute for Women na agad palayain si Perpenian matapos mapagsilbihan ang sentensya.
Sa rekord ng husgado, dakong 7:30 p.m. noong Agosto 12, 1998 nang dukutin ng mga akusado sa 118 FB Harrison, Pasay City, si Lucia Chan y Lee at para mapalaya ay hiningan ng P400,000 ang pamilya ng biktima.
Nagkasundo ang pamilya ni Chan at mga akusado kaugnay sa delivery ng ransom sa sangay ng Chowking food chain sa Buendia Avenue na kinaarestohan sa mga akusado ng grupo nina Inspectors Narciso Ouano, Jr., at Cesar Mancao na noon ay nakatalaga sa Pasay City.
Bukod sa parusang pagkabilanggo, ang mga akusado ay inatasan din ng SC na magbayad ng P100,000 bilang civil indemnity, P100,000 bilang moral damages at P100,000 bilang exemplary damages.
(LEONARD BASILIO)