TINUKOY ni Pangulong Benigno Aquino III na ang mga sikat na politikong sinampahan ng kasong pandarambong kamakailan sa Ombudsman ang nasa likod ng sunod-sunod na pag-atake sa kanyang administrasyon.
“All of these attacks came after plunder cases, among others, that were filed before the Office of the Ombudsman against a few well-known politicians,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa Annual Presidential Forum of the Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa Manila Hotel kahapon.
Sina Sens. Jinggoy Estrada, Juan Ponce-Enrile at Bong Revilla ang tatlong sikat na mambabatas na kinasuhan ng pandarambong sa Ombudsman kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
Ayon sa Pangulo, tumindi ang pag-atake at kritisismo sa pamahalaan matapos mai-larga ang kasong plunder laban sa mga naglustay sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ito’y malinaw na paglihis ng mga mandarambong sa isyu para hindi masentro sa kanila ang mata ng taong bayan at makaiwas sa pananagutan sa pagwawaldas sa kaban ng bayan.
Bukod sa Disbursement Acceleration Program (DAP) at Social Security System (SSS) bonus ay inintriga rin aniya ng mga nagmamaniobra ng isyu ang isinusulong na reporma sa Bureau of Customs (BoC).
(ROSE NOVENARIO)