NANINIWALA ang head coach ng Blackwater Sports na si Leo Isaac na mas balanse na ang kompetisyon sa PBA D League sa pagsisimula ng Aspirants’ Cup bukas sa Ynares Sports Arena sa Lungsod ng Pasig.
Kagagaling lang ng Elite sa pagkampeon sa huling torneo ng liga, ang Foundation Cup, noong Hunyo, kung saan tinalo nila ang pinakamalakas na koponang North Luzon Expressway.
“One advantage I see with us, as well as NLEX, is that may kompiyansa pa rin ang mga players ko after we won the championship last conference,” wika ni Isaac kahapon sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Shakey’s Malate.
“We didn’t have that much changes for this season and we still have the core of the champion team. Pero ang problema namin, some of our players applied for the PBA draft kaya magkakaroon tayo ng problema sa adjustment ng mga bagong players like Jericho Cruz.”
Sa panig ng NLEX, malaki ang pinagbago nito nang nagdesisyon nitong sumanib sa San Beda College sa NCAA kung saan anim na manlalaro ng Red Lions ang isinama sa lineup ni coach Boyet Fernandez.
“Maganda for the D League na maraming bagong teams ang sumali,” ani Road Warriors assistant coach Adonis Tierra. “Alam nila na kaya na nilang talunin ang team namin.”
Sa nasabi ring PSA Forum, sinabi ni Big Chill head coach Robert Sison na malaking kawalan para sa kanyang koponan ang pag-alis ni Terrence Romeo para magpalista sa PBA draft.
“Losing Terrence will be a big challenge to my other players,” ani Sison. “We added a lot of tall players to banner our team like Michael Miranda and Dexter Maiquez.”
Bukod sa NLEX, may school tie-up din ang dalawa pang koponan sa D League kung saan nakisanib ang Cebuana Lhuillier sa University of the East at ang Cafe France sa Centro Escolar University.
“We hope to perform better with our CEU players plus Eliud Poligrates from Cagayan,” sambit ni Bakers assistant coach Jun Tiongco.
“We have six UE players led by Roi Sumang and we have a more dynamic, defensive-oriented team,” dagdag ni Gems assistant coach Nomar Isla.
(James Ty III)