NANINIWALA si Sen. Serge Osmeña III na magsasalita lamang si Janet Lim-Napoles kung bibigyan ng immunity laban sa kaso kaugnay ng mga nalalaman sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam sa oras na humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon kay Osmeña, tiyak na hindi magsasalita si Napoles sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa halip ay igigiit ang kanyang karapatan laban sa self incrimination maliban na lamang kung bibigyan siya ng immunity o hindi na ipabibilang sa kaso bilang state witness.
“Yes, immunity is always an option. If in the judgement of the committee, or later on, in the judgement of the prosecution and the court, that she is not the most guilty. For example, a legislator or a government official is accused of taking P200 million, who is more guilty, Napoles or that government official?” ayon kay Osmeña.
Dagdag ng senador, uhaw na uhaw na ang taong bayan para pakinggan ang pagbubunyag ni Napoles kung sino-sino ang mga opisyal ng pamahalaan na nakinabang sa pork barrel.
Ngunit malabo aniyang mangyari na kumanta si Napoles hangga’t kabilang siya sa kaso dahil sa takot na lalo pa siyang madiin sa kinasasangkutang eskandalo.
Agad itong tinutulan ni Sen. Chiz Escudero sa pagsasabing hindi maaaring bigyan ng immunity si Napoles dahil sa paniniwalang siya ang most guilty at baka aniya humantong sa sitwasyon na ang mapaparusa-han ay ang mga sangkot lamang sa maliliit na katiwalian.
(CYNTHIA MARTIN/
NIÑO ACLAN)