Sa pag-arangkada ng unang araw ng kampanya, kanya-kanyang diskarte ang mga kandidato sa halalang pambarangay.
Sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City, ang pinakamalaking barangay sa bansa, puno na ng mga banderitas ng mga kandidato ang arko papasok sa barangay.
Punong-puno rin ng mga nakadikit na campaign materials ang mga tulay, pader, concrete barriers at ilang puno. Ito’y sa kabila ng paalala ng Commission on Elections (Comelec) na dapat sa common poster areas lamang magdikit.
Paspasan din ang pamimigay ng polyetos ng mga tagasuporta ng mga kandidato sa pagka-barangay chairman at kagawad kasabay ng pag-iikot ng kanilang mga sasakyan habang tumutugtog ang trompa.
Ang Bagong Silang ay binubuo ng Phase 1 hanggang Phase 12, tinatayang may lawak na 500 ektaryang lupain at may higit 240,000 populasyon.
Bilang pinakamalaking barangay sa bansa, ito rin ang sinasabing tumatanggap ng pinakamalaking internal revenue allotment (IRA) na nasa P900-milyon.
Tatagal hanggang Oktubre 26 ang kampanya.