DI MAKAPANIWALA SI DELIA SA SINABI NI ALING MELBA NA SABAY PINATAY SINA KA LANDO AT SI ATORNI LANDO
“P-patay na ang anak kong si Juniror. Patay na rin ang asawa ko!” At nangatal ang matandang babae sa pagpipigil ng damdamin. “Sabay na pinagbabaril ang mag-ama ko!”
Sa kuwento ni Nanay Melba, hindi pa nakalalayo ng bahay sina Tatay Lando at Atorni Lando Jr. na sakay ng traysikel nang tambangan sa malapitan ng mga di-nakilalang salarin. Patay agad ang mag-ama sa dami ng tumamang bala ng kwarenta’y singkong baril sa ulo at dibdib.
Ayon kay Nanay Melba, isang linggo bago naganap ang pamamaslang ay sapilitan munang dinala sina Tatay Lando at Atorni Lando Jr. ng mga sundalo ng AFP na nakabase sa lalawigan. Pinagsabihan daw doon ng pinakamataas na opisyal ang nakatatandang Lando na tigilan na nito ang paghahasik ng mga makamandag na kaisipan sa mga manggagawa laban sa gobyerno at sa malalaking may-ari ng negosyo. Ang nakababatang Lando, ang manananggol ng mga nabibiktima ng paglabag sa mga karapatang pantao, ay inakusahan namang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga taong mapanggulo sa katahimikan at kaayusan ng lipunan; gaya ng mga manggagawang nag-aaklas, mga kabataang nagdedemonstrasyon sa pagtutol sa pagtataas ng matrikula at nakikipartisipasyon sa mga talakayang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa, mga tsuper ng dyipni na nagpuprotesta sa tuwing nagmamahal ang gasolina. (Subaybayan bukas)
Rey Atalia