KINASTIGO kahapon ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang isang beteranong trainer dahil sa ginawang pagmumura nito sa dalawang veterinarian doktor ng komisyon.
Sa ipinalabas na desisyon ay pinatawan ng 9 na buwan na suspensiyon bilang horse trainer si Johnny Sordan dahil sa ginawang pagmumura sa dalawang tauhan ng Philracom.
Walang pakundangan umanong pinagmumura ni Sordan sina Dr.Rogelio Cullanan at Dr. Franco Caoibes, veterinarian doctor ng komisyon.
Nag-ugat ang insidente matapos ang ginawang pagpapabaril sa kabayong si Apo Mystery matapos itong maaksidente sa huling karera na sinalihan nito noong Setyembre 14 upang maialis na sa oval ng karerahan.
Ipinaliwang ni Commissioner Jesus Cantos, ang ginawa nina Dr.Cullanan at Caoibes ay naaayon sa batas ng Animal Welfare Act 1998.
Ginawa umano ang pagbaril sa kabayo ng walang presensiya ni Sordan, dahil natatakot ang dalawa na sila ang balikan sa paglabag sa naturang batas.
Gayunman, bago isinagawa ang pagbaril sa kabayo ay ipinagpaalam nina doctor Cullanan at Caoibes sa pamunuan ng karerahan.
Ang ginawa ng komisyon na patawan ng 9 na buwan na suspensiyon ay makatuwiran lamang dahil hindi katanggap-tanggap ang ginawa nitong pagmumura sa dalawang vet doctor.
Malaki ang pagkukulang ni Sordan dahil dapat naroon siya nang mangyari ang insidente.
Magsilbing aral sana ang nangyari kay Sordan na mistulang naghahari-harian at kawalan ng galang sa mga tauhan ng Philracom lalo sa sa mga veterinarian doctor.
Sa susunod, tatalakayin natin ang tahasang pagsuway ng mga horse trainer sa Animal Welfare Act mula sa kanilang alagang kabayo na walang pakundangan kung pahirapan.
Ni andy yabot