SINADYA NI DELIA SI ATTY. LANDO PARA ALAMIN KUNG BAKIT ‘DI NAKARATING SA UNANG HEARING NI MARIO
“A-ano kaya’ng nangyari?” ang nababahalang tanong niya kay Delia. “Binitiwan na kaya ako sa ere?”
“Aalamin ko…” ang paniniguro ng kanyang maybahay na nagbabalak pumunta sa bahay ni Atorni Lando Jr.
Muling napakiusapan ni Delia si Aling Patring na maging taong-bahay at tagapag-alaga ng anak na batang lalaki. Umaga ng Martes noon.
Saradung-sarado ang bahay nina Atorni Lando Jr. Paulit-ulit na kumatok-katok si Delia sa pinto. Matagal-tagal itong nangatok sa pinto. May mararahang kaluskos ng mga paang naglalakad nang nakatsinelas, palapit nang palapit sa pintuan. Pamaya-maya, may nagbukas ng pinto, ang maybahay ni Tatay Lando na si Nanay Melba.
“Sino’ng kailangan nila?”
Nagpakilala muna si Delia kay Nanay Melba at saka nito binanggit ang pangalan ni Atorni Lando Jr. na pakay sa pagsasadya roon.
“’Di po kasi nakarating si Atorni sa bista ng mister ko kahapon,” pag-aabiso ni Delia sa matandang babae. “Sa isang Lunes po uli ang hearing.”
Pinapasok ang asawa ni Mario ni Nanay Melba sa loob ng bahay. Pinaupo ito ng maybahay ni Tatay Lando sa mahabang bangko. Mapanglaw ang buong kabahayan. May lungkot sa anyo ng matandang babae, nasa mga mata ang pait ng pagdurusa at nasa tinig ang dinadalang dagan sa dibdib.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia