PARANG tumama sa lotto ang Barangay Ginebra san Miguel sa pangyayaring nakamit nito ang No. 1 pick overall sa darating na 2013 PBA Rookie Draft na gaganapin sa Nobyembre 3 sa Robinson’s Manila.
Dinaig ng Air 21 ang Global Port sa isang loterya para sa No. 1 pick noong Biyernes. Ang siste’y naipamigay na ng Express ang pick na ito sa Gin Kings sa pamamagitan ng isang trade bago pa nagsimula ang kasalukuyang season.
Inaasahang gagamitin ni Barangay Ginebra coach Alfrancis Chua ang pick sa pagkuha ng isang higante sa Draft.
Mamimli si Chua kina Gregory Slaughter, Ian Sangalang at Raymong Almazan.
Si Slaughter ay isang seven footer na tumulong sa Ateneo Blue Eagles na makamtan ang kanilang huling dalawang kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines. Naging kandidato din siya sa Gilas Pilipinas squad na sumegunda sa nakaraang FIBA Asia men’s basketball championship.
Si Sangalang ang Most Valuable Player ng National Collegiate Athletic Association noong nakaraang taon. Naglaro siya sa San Sebastian College kung saan naging kakampi niya si Calvin Abueva na ngayo ay naglalaro sa Alaska Milk.
Si Almazan ay isang 6-8 sentro na kasalukuyang naglalaro sa Letran Knights na nangunguna sa 89th NCAA season. Isang two-time defensive Player of te Year ng liga, si Almazan ngayon ang frontrunner para sa MVP award ng NCAA.
Huling napasakamay ng Gin Kings ang top pick ng Draft noong 1996 nang kunin nila ang 6-9 na si Marlou Aquino.
Ang iba pang notable names sa listahan ng mga aplikante ay sina Niko Salva, Jake Pascual, Matthew Ganuelas at Kevin Alas na pawing manlalaro ng four-time PBA D-League champion NLEX Road Warriors.
Ang deadline ng pagsusumite ng application ay bukas, Oktubre 18.
Sabrina Pascua