ISINUMITE na kahapon ni Ryan Roose “RR” Garcia ang kanyang aplikasyon para sa PBA Rookie Draft na gagawin sa Nobyembre 3 sa Robinson’s Place Manila.
Ayon kay Garcia, nagdesisyon siya na dapat ay pumasok na siya sa PBA dahil mas maraming mga manlalarong kaposisyon niya ang nakatakdang magpalista sa draft sa susunod na taon.
“Okay na kay coach Chot (Reyes). Sa kanya ako una nagpaalam,” wika ni Garcia na hindi na sasama sa national pool para sa Southeast Asian Games. “Nagpaalam na rin ako agad kay boss Ronald (Dulatre ng NLEX) at pumayag naman.”
“Gusto ko na mag PBA. Kapag next year pa ko maraming papasok. Marami akong kaagaw sa pwesto. At least ngayon halos lahat malalaki.”
Bago nito, nagdesisyon si Bobby Ray Parks ng National University na hindi na magpalista sa draft at imbes ay lalaro siya sa SEA Games at mag-eensayo sa Amerika para maghanda sa kanyang planong pagpasok sa NBA.
Samantala, kukunin ng NLEX si Aljon Mariano ng UST bilang kapalit ni Garcia.
“We will finalize our contract with Aljon within the week,” ani NLEX team manager Allan Gregorio. “I talked to him. He has to learn to move on. We will support him.”
Sinisi ng ilang mga tagahanga ng UST si Mariano dahil sa kanyang papel sa pagkatalo ng Growling Tigers kontra La Salle sa UAAP finals kamakailan.
(James Ty III)