WALA nang pag-asang sumampa sa semifinals ang Lyceum of the Philippines Pirates subalit mahalaga pa rin sa kanila ang huling natitirang dalawang laro.
Sinabi ni coach Bonnie Tan na target nila ang pitong panalo o lampasan ang nagawa sa una nilang sali sa liga bago nag-umpisa ang 89th season ng NCAA senior men’s basketball tournament.
”No-bearing na kami pero kailangang manalo pa para makuha namin ‘yung target wins sa season na ito,” wika ni coach Tan.
Nakapagtala na ng 6-10 win-loss slate ang Lyceum kaya naman paniguradong ibibigay nila lahat upang talunin ang Mapua Cardinals sa alas 6 ng gabi mamaya sa The Arena, San Juan.
Matamis ang pagkakapanalo ng Pirates sa kanilang huling laro kontra Jose Rizal University Heavy Bombers.
Habang papaubos na ang oras, sinalpak ni guard Dexter Zamora ang kanyang tear drop shot upang iligtas ang LPU sa 73-72 panalo.
“Last 5 seconds na lang, naisip ko kailangan ifinish strong ko. Si God ang nagdirect ng shot na yun kaya nagpapasalamat talaga ako kay God,” saad ni Zamora.
Maganda ang simula ng Pirates dahil ginulat agad nila ang defending champions San Beda College Red Lions, 70-66.
“Kahit paano nae-execute na namin ‘yung mga plays kasi kumpleto na kami hindi katulad sa first round ang daming nasususpende sa mga players ko kaya hirap kami.”
Ligwak na rin ang Cardinals subalit kailangan din nilang pagandahin ang kanilang karta kaya sigurado rin na didibdibin nila ang laro.
Nakabaon sa ilalim ng team standings ang MIT hawak ang 2-14 record.
Samantala, manipis naman ang tsansa ng Arellano University Chiefs para makausad sa susunod na stage.
Nakapaglista pa lamang ng 6-9 baraha ang Chiefs kung saan ay hinahabol nila sa fourth spot ang San Sebastian College Stags na sakmal ang 9-7 card.
Haharapin ng AU ang College of Saint Benilde Blazers sa unang laro na mag-uumpisa ng 4 ng hapon.
Nakatambay sa pang-anim na puwesto ang Mediola-based Chiefs habang nasa pang limang puwesto ang Emilio Aguinaldo College Generals tangan ang 8-8 baraha.
Tinatapos na lang din ng host school CSB ang natitirang laro upang makapagbakasyon ng maaga. (ARABELA PRINCESS DAWA)