Sa huling tatlong buwan ng taon 2013 walong malalaking pakarera ang nakatakdang ilunsad sa tatlong karerahan sa bansa.
Sa darating na Oktubre 20 ay ilulunsad sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ang tagapangasiwa ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite ang 4th Leg Juvenile Stakes race at Sampaguita Stakes race.
Ang 4th Leg Juvenile ay paglalabanan ng Colts at Fillies division na kapwa may papremyong P1.5 milyon na sinasabing final leg ng pakarera para sa 2 year old na mananakbong lokal.
Susundan naman ito sa Oktubre 27 ng Sampaguita Stakes race sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas na may papremyong P1.5 Milyon na paglalabanan ng 3 year old.
Sa Nobyembre 10 ay bibitawan naman ang Philracom Grand Sprint Championship sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite na may papremyong P1 milyon para sa distansiyang 1,000 meter.
Ang naturang pakarera ay bukas sa lahat ng local horses.
Sa Nobyembre 17 ay hindi pa alam kung magkakaharap ang Hagdang Bato at Crusis sa Ambassador Eduardo M. Cojuangco Cup na gaganapin sa Metro Turf sa Malvar,Batangas.
Naghihintay ang P2 milyon papremyo para sa 2,000 meter na pakarera. Ayon sa huling balita, nagdadalawang isip pa si Mayor Benhur Abalos kung isasali sa Cojuangco Cup ang kanyang alagang si Hagdang Bato.
Ang Cojuangco Cup ay bukas para sa 4 year old imported at local runners.
Hindi doon natatapos ang execitement sa karera dahil ihahandog naman ng Marho ang kanilang pakarera sa Nobyembre 24 sa Philippine Racing Club Inc. (PRCI) ang tagapamahala ng Santa Ana Park sa Naic,Cavite.
Disyembre 8, ilulunsad naman ng Philtobo ang kanilang pakarera sa MMTC. Wala pang petsa ang Presidential Gold Cup na gaganapin sa buwan ng Disyembre subalit ang Grand
Derby ng Philiracom ay gaganapin sa Disyembre 21, sa PRCI ng Santa Ana Park. Ang nasabing pakarera ay may papremyong P1 milyon para sa 3 year old local horses.
Ni andy yabot