‘DI SINIPOT NI ATORNI ANG UNANG PAGDINIG SA KASO NI MARIO NA IPINANLUMO NITO
“Si Atorni?” anas niya kay Delia.
“Darating ‘yun,” ang may tiwalang isinagot sa kanya ng asawa.
Sinundan ni Mang Pilo ang grupo ni Sarge. Naupo itong kahilera ni Mario na pinagigitnaan ng dalawang pulis, ang tila-de-susing robot ng amu-among sarhento. Panakaw ang pagsulyap-sulyap nito kay Mario. ‘Yun ang unang pagkakataon na nakita nang mukhaan ng magbabalut ang lalaking nadidiin sa gawa-gawang krimen.
“Please all rise!” anunsiyo ng klerk ng korte nang lumabas ang huwes sa tanggapan nito sa dulong bahagi ng hukuman.
Ang lahat ng naroroon ay nagtayuan.
Sa mga kasong hawak ng hukom na lilitisin sa araw na ‘yun ay unang salang ang kaso ni Mario. Pamaya-maya, binanggit na nga ng klerk ang “People of the Philippines Vs. Mario dela Cruz at ang kaukulang numero ng kasong ito.
Nilingon ni Mario ang asawang si Delia sa kabilang panig ng mahahabang bangko sa loob ng korte. Nang mapatingin ito sa kanya, sa buka ng bibig ay itinanong niya: “Si Atorni?”
Umiling si Delia, iminuwestra ng mga kamay ay ipinahiwatig nitong wala pa ang hinihintay na abogado. (Itutuloy)
Rey Atalia