NAUWI lamang sa tabla ang laban ni Filipino Grandmaster (GM) Darwin Laylo kontra kay Spanish GM Renier Igarza Vazquez tungo sa 20-way tie sa seventh place kasama ang mga kababayan na sina GMs Oliver Barbosa at John Paul Gomez at International Master Rolando Nolte matapos ang fifth round ng 2013 Indonesian Chess Open Championship kahapon sa Puri Ratna Ballroom, Grand Sahid Jaya Hotel, Jl. Jenderal Sudirman 86 Jakarta, Indonesia.
Giniba ni Barbosa si Fide Master Anjas Novita ng Indonesia, ungos si Gomez sa kababayan na si FM Paulo Bersamina at winasiwas ni Nolte si IM Muhammad Ivan Situru ng Indonesia.
Tangan nina Laylo, Barbosa, Gomez at Nolte ang tig 3.5 puntos kasama ang 16 pang manlalaro.
Pinigil ni GM Aleksey Dreev ng Russia si overnight solo-leader GM Ivan Ivanisevic ng Serbia para masikwat ang solo leadership board na may 4.5 puntos.
Panalo naman si GM Alexander Moseenko ng Ukraine kontra kay GM Shyam Sundar M ng India tungo sa 2nd hanggang 6th placers para makasama sina fellow 4.0 pointers Ivanisevic , GM Hoang Thanh Trang ng Hungrary, GM Surya Shekhar Ganguly ng India at GM Sandro Mareco ng Argentina.
Samantala matapos gulatin si GM Eugene Torre sa fourth round, tuloy-tuloy ang pagpapakitang gilas ni National Master Emmanuel Emperado matapos talunin si IM Sadikin Irwanto ng Indonesia tungo sa 3.0 puntos matapos ang limang laro.
Napako naman si Bersamina sa 2.5 puntos para makasama sina GM Richard Bitoon, IM Emmanuel Senador at IM Oliver Dimakiling.
Hawak ni GM Mark Paragua ang 2.0 puntos habang sina Torre at IM Ronald Bancod ay may tig 1.5 puntos.
Ang kampanya ng Filipino sa Indonesia chess ay suportado nina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Chairman/President Prospero “Butch” Pichay Jr., Secretary-General Rep. Abraham “Bambol” Tolentino Jr. at Executive Director GM Jayson Gonzales, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
(Lovely Icao)