BALI, Indonesia – Inihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na tumanggi muna si dating Sen. Kiko Pangilinan na maitalaga sa gobyerno.
Sinabi ni Pangulong Aquino, nais ni Pangilinan na magkaroon muna ng “quality time” sa pamilya.
Ayon sa Pangulong Aquino, hihintayin na lamang niyang maging available si Pangilinan bago pag-usapan ang appointment.
Una nang napabalita na target ni Pangilinan ang DA secretary portfolio bagay na hindi maibigay ni Aquino dahil nananatili ang kompyansa kay Agriculture Sec. Proceso Alcala.
“And sabi ko ‘di ba parang ang liwa-liwanag ng usapan namin na after he finishes his term, so I talked to him and he said he really needs quality time with his family. Ang sabi ko ‘o sige then you tell me when you’re available.’ But this was before any controversy, ano. And siguro ewan ko parang…” ani Pangulong Aquino.
Samantala, patuloy aniyang isinasapinal ang appointment ni dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Inihayag ng Pangulo na nais niyang malinawan sa saklaw ng trabaho ni Lacson upang hindi masagasaan ang iba.
Una nang lumabas na balak ni Pangulong Aquino na italaga si Lacson bilang anti-corruption czar ngunit naiipit pa ang kanyang papel.
“Kay Senator Lacson naman we are still ironing out the details exactly what the scope of his functions are. Para walang overlap. Para walang violation of any existing law, I just want to make sure. So Executive Secretary is still studying the proposed Executive Order,” dagdag ni Pangulong Aquino.
(ROSE NOVENARIO)