MAAGANG nagretiro bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO) si Assistant secretary Virginia Torres at pinabulaanan nito na sinibak siya sa puwesto ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Torres, bagama’t may natitira pa siyang ilang taon bago magretiro, nagpasya siyang mag-early retirement dahil sa napapagod na rin umano siya at gusto niya na ring mapagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya.
Nabatid pang nagpaalam si Torres kay P-Noy at kay Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Jun Abaya bilang paggalang sa kanila.
Matatandaang naeskandalo si Torres nang kumalat ang video nito sa internet habang nagsusugal sa Casino, na mariin naman niyang pinabulaanan.
Napag-alamang 23 taon nagsilbi sa gobyerno si Torres at naging LTO chief nang umupo si P-Noy.
Hanggang katapusan na lamang ng Oktubre si Torres, at ipinauubaya na lamang niya sa Pangulo kung sino ang hahalili sa kanya.
(JETHRO SINOCRUZ)
EX-DOTC CHIEF PUMANAW NA
PATAY na ang dating opisyal ng gobyerno na si Leandro Mendoza sa edad 66.
Kinompirma nina ex-Transportation and Secretary Thompson Lantion at dating LTO Chief Bert Suansing ang pamamaalam ng dating opisyal na nasangkot sa anomalya noong rehimen ni Gloria Arroyo, kahapon ng madaling araw sa bahay nito sa Parañaque.
Ani Lantion, ang anak ni Mendoza na si Batangas 4th District Rep. Mark Mendoza, Jr., ang nagkompirma ng balita.
Matatandaang nag-collapse si Mendoza habang nagdiriwang ng kanyang ika-65 kaarawan sa San Juan, Batangas noong Marso at isinugod sa St. Lukes Medical Center, Taguig.
Naging hepe ng Philippine National Police (PNP) si Mendoza at naging kalihim ng Department of Transportation and Communication (DoTC) at naging Executive Secretary rin ni Arroyo.
Nakaburol ang labi ng dating opisyal sa Heritage Park sa Taguig simula kahapon.
Magugunitang ipinaaresto si Mendoza ng Sandiganbayan 4th Divsion noong isang taon dahil sa maanomalyang NBN-ZTE deal.
Bukod kay Mendoza, kasama rin sa graft case sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ex-First Gentleman Mike Arroyo at ex-Comelec Chair Benjamin Abalos.