SINABI NI SARGE NA MATINDI ANG KRIMEN GINAWA NI MARIO KAYA SIYA INAARESTO
“Matindi ang krimeng ginawa nito,” sabi ni Sarge sa mga nasa labas ng bakuran nang alalayan sa pagtayo sina Mario at Delia, yakap pa rin ang musmos na anak. “Nan-rape-slay ‘to!”
“’Di totoo’ng bintang n’yo sa akin,” salag ni Mario, pigil sa kuwelyong inakbayan ng isa sa dalawang alalay ni Sarge.
“Sa husgado ka na mangatwiran,” anitong nakabalat-kayo ng kabaitan. “Kung wala ka talagang kasalanan, ano’ng ikatatakot mo?”
“’Di ba gusto n’yo ‘kong i-salvage?” pitlag ni Mario.
Nagdrama si Sarge sa harap ng maraming tao.
“Tamang hinala ka lang. Nar’yan ang misis mo, isama mo.”
“Talagang sasama ‘ko kahit sa’n n’yo dalhin ang mister ko,” nasabi ni Delia sa panlilisik ng mga mata.
Sinamahan si Mario ng asawang si Delia, karga ang anak na namaos sa pag-iyak-iyak. Nang ipasok siyang muli sa selda, lalong nagwala ang batang si Dondie. Ibig nitong magpakarga sa kanya. Nagpupumalag ito sa mga bisig ng ina.
Noon dumating si Aling Patring na nagpahatid pala doon sa traysikel.
“Ilabas mo muna’ng anak mo para malibang,” payo ng matandang babae kay Delia. “Ibili mo ng kendi o kahit ano.”(Itutuloy bukas)
Rey Atalia