Mga Laro Ngayon (The Arena, San Juan)
4 pm – Perpetual Help vs. Lyceum
6 pm – San Sebastian vs. San Beda
PAGHABOL sa twice-to-beat advantage ang puntirya ng San Beda at Perpetual Help na sasabak sa magkahiwalay na kalaban sa 89th National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament mamaya sa The Aena sa San Juan.
Makakasagup a ng three-time defending champion Red Lions ang San Sebastian Stags sa ganap na 6 pm matapos ang 4 pm duwelo ng Altas at Lyceum Pirates.
Nasa itaas ng standings ang San Beda sa record na 12-2 samantalang ang Perpetual Help ay may 11-4.
Nasa ikaapat na puwesto ang San Sebastian sa record na 8-5 subalit tinutugis pa ng ibang koponang tulad ng Emilio Aguinaldo Colege, College of St. Benilde at Jose Rizal University na may tsansa pang makasingit sa Final Four.
Sa kanilang unang pagkikita noong Agosto 12 ay tinalo ng Red Lions ang Stags, 83-64.
Inaasahang mas maigting ang magiging performance ng Red Lions mamaya dahil sa muntik na silang masilat ng Altas noong nakaraang Huwebes. Dumaan sila sa overtime bago naidispatsa ang Perpetual Help, 78-76 .
Babawi si Olaide Adeogun na maagang nag-foul out kontra sa Altas at hindi nakatulong sa Red Lions sa overtime period.
Katuwang ni Adeogun sina Rome dela Rosa, Art dela Cruz, Baser Amer at Kyle Pascual.
Ang Stags ay sumasandig naman kina Jovit dela Cruz, Jamil Ortuoste, Bradwyn Guinto, Leodaniel de Vera at CJay Perez.
Sigurado namang ibubunton ng Perpetual Help ang ngitngit nito sa Lyceum na tinalo nila, 71-66 noong Hulyo 13. Ang Altas ay sumasandig kay Nosa Omorogbe na sinusuportahan nina Scottie Thompson, Chrisper Elopre, Harold Arboleda at prized rookie Juneric Baloria.
Ang Pirates ni coach Bonnie Tan ay may 4-10 record at halos wala nang pag-asang makarating sa Final Four. (By SABRINA PASCUA)