BALAK ng MVP Sports Foundation na isali ang Gilas Pilipinas sa Asian Games na gagawin sa Incheon, South Korea, sa susunod na taon.
Sinabi ng pangulo ng foundation na si Al Panlilio na sasali ang Gilas sa Asian Games pagkatapos ng kampanya nito sa FIBA World Cup sa Espanya.
“We are focusing our resources on both these tournaments,” wika ni Panlilio na panay ang komunikasyon nila sa Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ng pangulo nitong si Manny V. Pangilinan.
“Marami na kaming pinaggagastusan eh. As a company, andami na naming tinutulungan. We take care of teams not just in the PBA, but also in the collegiate league. The FIBA World Cup is a long program and our aim there is to win and make it to the top 16. Hindi kami magiging turista lang doon.”
Sa huling Asian Games sa Guangzhou, Tsina noong 2010, tumapos ang Gilas sa ika-anim na puwesto.
Hindi pa nanalo ang Pilipinas ng ginto sa men’s basketball sa Asian Games mula pa noong 1962.
Samantala, lilipad si Panlilio sa Iran bukas upang suportahan ang RP team na kasama sa FIBA Asia Under-16 championships. (James Ty III)