HINDI MAKAKAIN SI MARIO DAHIL SA DINADALANG BAGABAG DULOT NG WELGA
Ipinagbubuntis pa lamang noon ni Delia ang kaisa-isa nilang anak na batang lalaki na kamakailan lang nagdalawang taong gulang.
Itinuring niyang malaking swerte ang pagkapasok sa pabrika bilang isang trabahador sa malaking pabrikang nagsasadelata ng mga produktong pagkain mula sa karne ng baboy at baka. Noon pa, sa usap-usapan ng mga ka-manggagawa ay paulit-ulit niyang narinig na wala sa minimum ang pasahod ng may-ari ng pabrika. Ngunit para sa kanya, na dating nabubuhay sa pabarya-baryang kita sa magdamagang pangi-ngisda, ang kulang sa tres siyentos na arawang sahod ay malaking pera na.
“’Wag mong dibdibin ang nangyari,” alo sa kanya ng asawang si Delia habang inihahanda sa mesa ang pagsasalu-saluhan nilang mag-anak. “Pasasaan ba’t maaayos din ang welga sa inyo.”
Paborito niya ang nilutong ulam ni Delia sa pananghalian. Tinolang manok. Naglilinab sa taba ng kinatay na tandang ang mainit na sabaw. Ngunit wala siyang ganang kumain. Pakiwari niya’y nanlalaki ang kanyang tiyan at walang panlasa sa pagkain. Ganu’n siya kapag may dinadalang bagabag.
Pilit niyang itinago ‘yun kay Delia. Ayaw niyang maapektuhan ang asawa. Sinikap niyang magpakasigla sa harap ng kanyang mag-ina. Isinakol nang isinakol niya sa bibig ang sinandok na kanin sa platong pinagbaha sa sabaw.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia