Bongbong inilaglag si Duterte (Paliwanag ng mayor dinedma ng senador)
hataw tabloid
April 20, 2016
News

TULUYAN nang inilaglag ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos si presidential candidate Mayor Rodrigo Duterte at sinabihang maging sensitibo sa mga biktima ng karahasan matapos ang kontrobesiyal na komento sa Australian lay minister rape victim.
Sa panayam kay Marcos, sinabi niya na kailangan maging sensitibo si Duterte lalo sa situwasyon ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen.
Aniya, ang pahayag ng kandidatong presidente ay maituturing na “inappropriate.”
Binatikos din ng tandem ni Bongbong na si presidential candidate Sen. Miriam Defensor Santiago si Duterte na hindi umano karapat-dapat sa pagkapangulo dahil sa mga iresponsableng pahayag.
Iginiit ni Miriam, galit man o biro, ang naging pahayag ni Duterte ukol sa rape victim, repleksyon ito kung paano mag-isip ang isang lider.
Matatandaan na unang nilapitan ni Marcos si Duterte para maging running mate ngunit ang pinili ng alkalde ay si Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa nakaraang ‘Debate’ naging maigting ang pagtatalo nina Marcos at Cayetano nang patutsadahan ng una ang huli, na sa kanya umano ibibigay ni Duterte ang panguluhan sakaling mawala sa puwesto, at hindi sa kanyang running mate.
Ngunit sa pinakahuling pagbabatikos ni Marcos sa presidential candidate ay tila inilaglag niya si Duterte.
Una nang sinabi ni Cayetano, sa naganap na vice presidential debate na solidong Duterte na kanyang ikinakampanya kompara kay Bongbong na kapag nasa Cavite ay Binay-Bongbong, kapag nasa Ilocos naman ay Binay-Poe-Bongbong, at kapag nasa Mindanao ay Duterte-Bongbong.