On-site housing sa informal settlers target ni Chiz (Tigil-relokasyon sa maralitang tagalungsod)
Hataw News Team
February 1, 2016
News
KAPAG pinalad sa darating na halalan, makaaasa ang mga napapabilang sa informal settlers sa Kalakhang Maynila na kagyat itutulak ng nangungunang vice presidential candidate na si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pag-usbong ng maramihang gusaling pabahay na ipapatayo sa ilalim ng “On-site Resettlement Housing Program for Metro Manila” upang itira sila sa disenteng pabahay nang hindi nangangailangan ng paglipat sa kanila sa malalayong relokasyon na walang trabaho at salat sa pagkakataong maghanapbuhay.
Matapos mapag-alamang 70 porsiyento ng tinatayang 3,000 ektarya na kasalukuyang tinitirahan ng informal settlers ay pagmamay-ari ng estado, kompiyansang inihayag ng senador mula sa Bicol na maaari umanong magpatayo ang gobyerno ng medium-rise residential buildings sa nasabing mga lupa para sa mga pamilyang doon din naninirahan.
“Kung magtatayo ng mga condominium na apat na palapag bawat isa, ibig sabihin three-fourths o 2,200 ektarya ang mababakanteng lupa na maaaring pakinabangan bilang karagdagang kalye upang solusyonan ang malalang trapiko. Gaganda at aayos pa ang tirahan ng ating mga kababayan,” ayon kay Escudero.
Sinabi rin ng beteranong mambabatas na ang “on-site resettlement” ay mabisang solusyon hindi lamang sa problema sa pabahay ng Metro Manila kundi maaaring angkop ding sagot sa katulad na suliranin ng iba pang siyudad sa bansa na naging puntahan na ng maraming Filipino na naghahanap ng trabahong mapapasukan.
“Sa pamamagitan ng on-site resettlement, maisasaayos natin ang nakapanlulumo nilang kalagayan, maiiwasan ang mararahas na demolisyon at sapilitang relokasyon mula tirahan nila ngayon kung saan kahit paano’y malapit sila sa basic social services at pinagkakakitaan,” ayon kay Escudero, na isa ring abogadong nagtapos sa UP at tagapayong legal sa radyo sa palupa at pabahay.
Noong 2010, mahigit kalahating milyong pamilya na ang informal settlers na namumuhay sa National Capital Region at, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, ito ay katumbas ng umabot sa 2.8 milyong kataong nakatira sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government, natukoy na ng nasabing kagawaran noong taon 2013 ang mahigit 104,000 pamilyang naninirahan sa danger zones o delikadong pook gaya ng tabing-riles, tambakan ng basura, estero, ilog at iba pang mga daluyang-tubig.
Bagamat may kamahalan ang pagpapatayo ng onsite resettlement areas, kompiyansang sinabi ni Escudero na kaya ng gobyernong maisakatuparan ito sa pamamagitan ng naipong pondo o “savings” dahil sa “underspending” mula sa mabagal na paggasta ng pampublikong alokasyon.
“Mahigit P700 bilyon ang hindi nagastos ng gobyerno mula pa noong 2011. May kasabihan tayo na ‘pag gusto laging may paraan, pag ayaw palaging may dahilan.’ Madaling gumawa ng dahilan at madali ring hanapan ng paraan kung gusto talaga,” giit ni Escudero.